MISAMIS ORIENTAL – MALAGIM ang sinapit ng hindi nakilalang babae makaraang pugutan at tadtarin ang kanyang ulo ng isanmg 21-anyos na lalaki na pinaniniwalaang baliw sa bayan ng Talisayan.
Sa ulat na ipinadala ni Capt. Maribet Ramoga, hepe ng Talisayan Municipal Police sa Police Regional Office-10, ang labi ay natagpuan ng mga residente sa Purok 2, Brgy. Punta Santiago.
Ang biktima ay walang damit pang-itaas subalit nakasuot ng maong pants, ayon sa mga rumespondeng pulis na sina MSgt. Ed-ison Ucatm, MSgt. Orlando Condes, Jr.; Cpl. Lorenzo C. Larot at Patrolman Mcle Junster Jumawid.
Sinasabing nahintakutan ang mga residente nang makita ang biktima kaya tinawag ng mga ito si Chairman Romeo Borres ng Brgy. Casibole habang nasa area rin ang umano’y suspek na si Lloyd Bagtong, 21-anyos, ang pinaniniwalaang may diperensya sa pag-iisip.
Nang dumating ang mga pulis ay tumakbo si Bagtong na naaresto naman at nakita sa kanyang katawan ang patalim na pinaniniwalaang ginamit sa pagpugot sa biktima.
Nakuha rin kay Bagtong ang duguang damit na pinaniniwalaang pag-aari ng babae kung saan ginamit pambalot sa ulo na kanyang pinaghiwahiwa.
Samantala, patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima at wala pang detalye kung ito ay ginahasa ng suspek.
Samantala, bago isama sa mga common criminal, inutos ng Misamis Oriental Provincial Police Office na isalang sa psychiatric test si Bagtong.
Ayon kay Ramoga, dapat matiyak kung may diperensya sa pag-iisip ang suspek dahil sa karumal dumal na krimen na ginawa nito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.