Ano ang babae? Ayon sa dictionary, ang babae ay adult female person. Sa personalidad, sila ay natural na maalaga, sensitive, sweet, supportive, gentle, mapagmahal, passive, cooperative, expressive, mapagpakumbaba, humble, maawain, affectionate, tenderness, emotional, mabait, matulungin, devoted, at maunawain. Iyan ang stereotypically feminine. Wow, ha! Uso pa ba yan?
Ang pagkababae ay ang panahon sa buhay ng isang babae matapos niyang dumaan sa pagkabata, pagdadalaga, at pagkadalaga. Kakalito. May iba’t ibang batas sa iba’t ibang bansa, 18 talaga ang major age. Biblically, ayon sa Hebrew Bible’s books of Genesis, ang Hebrew ng “man” ay ish at ang “woman” naman ay ishah dahil si Eba ay hinugot sa tadyang ng lalaki: “Siya ay buto ng aking buto at laman ng aking laman, kaya tatawagin siyang babae, dahil siya ay hinugot sa katawan ng lalaki.”
Ang mga babae sa Biblia ay kapwa manlulupig at biktima. Mga babaing bumago sa tadhana at kasaysayan, at mga babaing mahina ngunit nakapagpatumba ng malalakas na lalaki.
May taglay na karapatan ang mga babae na dapat igalang dahil dapat lamang silang irespeto. May Magna Carta for women na pumuprotekta sa kanila na nararapat lamang. Itinataguyod nito ang kanilang karapatang panlipunan, pang-ekonomiya, pulitikal, kultura at sibil. Ang Konstitusyon ng Pilipinas ay sumasang-ayon sa mga karapatang ito.
Kung noon, ang kababaihan ay puno ng pagbabawal at nakakulong sa paniniwalang para lamang sa bahay para mag-alaga ng anak at asawa, iba na ngayon. Kung noon ay pinagkaitan sila ng edukasyon at pantay ang karapatan sa kalalakihan, sa makabagong panahon, natuto na silang lumaban. Minsan nga, mas nakatataas pa sila ngayon sa kalalakihan.
Kung dati ay may diskriminasyon, pagkamuhi at pangmamaliit sa kanila, ngayon ay mayroon na silang sariling dignidad na pinangangalagaan – hindi dignidad lamang ng kanilang asawa o ama.
Inuuri ang mga lalaki sa kanilang kakayahang magtaguyod ng pamilya at panangutan sa mga anak. Sapat na ang nasusuportahan niya financially ang pamilya. Pero ang babae, kung mawala ang asawa, ibinigay na ang lahat, kulang pa rin.
May apat na uri ng babae pero ang lalaki, pito. At bawat lalaki ay maibibilang mo sa kategoryang ito. Pero iba ang babae. Habang inuuri mo sila, lalo ka lamang nalilito. Babae, heto ka:
Babaing Mainit
Siya yung makwento, may sense of humour, may edukasyom at sense of style. Madalas na siya ang center of attention at life of the party. Pwede rin siyang akala mo, tahimik na nagpipinta sa isang maliit na art studio, pero may mas higit pa.
Lagi na, merong something very interesting/so funny/beyond stylish/very talented. Masasabing siya ay amazing, at controversial. Lagi siyang nangunguna – sobra — pero in any case, lahat naman, may opinyon sa isang babaing ganito. Pwedeng positibo, pwedeng hindi, pero hindi siya nagpapadala sa opinyon. Ginagawa niya ang ginagawa niya dahil gusto niya at talagang gusto niyang mapansin.
Babaing sala sa init, sala sa lamig
Siya yung tipong bland. Minsan, medyo masaya rin syang kasama o nice o baka may cute na poodle o shitzu, pero hindi siya gaanong napapansin. Madalas nga, mas napapansin pa yung shitzu o poodle kesa sa kanya. Madali siyang makalimutan kahit pa ilang beses mo na siyang nakaharap. Siguro, masipag siyang magtrabaho, pero madalas, hindi siya napapansin ni boss. Yung babaing not amazing ay naninirahan sa likod ng mga anino at walang nakaaalam kung ano ang kanyang ginagawa. Siguro, may maganda siyang ginagawa, pero hindi … hindi siya pinapansin. Kasi nga, hindi siya kapansin-pansin. Maganda ba siya? Pangit? Pakialam ko?
Babaing Malamig
Para siyang malakas na hanging may hatid na kakaibang lamig matapos ang ilang araw – hindi, linggo o buwan ng walang patumanggang pag-ulan ng yelo, ngunit may taglay ding awa mula sa kanyang puso. Madalas, tungkol ito sa paghahanap ng ligtas na pagtataguan matapos masaktan.
Babaing palaban
Siya yung klase ng babaing hindi mo maaaring ibagsak kahit ano pa ang mangyari. Mukha siyang mahina, maganda, mahinhin, ngunit sa puso niya, kahit ano pa ang mangyari, tahimik siyang lalaban paharap man o patalikod.
Sa apat na uri ng babaing yan, sino ka? KAYE NEBRE MARTIN