LAGUNA- NANG dahil sa malakas na kahol ng aso at sa dalawang nagdaraan senior citizens, nailigtas sa kamay ng kidnappers ang isang babaeng chinese sa Pasay at dinala sa isang exclusive subdivision sa Sta. Rosa City sa lalawigang ito nitong Huwebes ng umaga.
Base sa pahayag ng mga nakakita sa insidente, humihingi umano ng tulong sa mga nagdaraan ang hubo’t- hubad na biktima na pinaniniwalaang tumalon mula sa ikalawang palapag ng isang semi- mansion na bahay sa San Lorenzo Subdivision ng nasabing lungsod.
Ayon sa saksing si Carlos Delaro, narinig umano nila mula sa boses ng isang babae ang salitang “ help me” na nagmumula sa damuhang bahagi ng kaniyang bahay.
Dali- dali umano siyang lumabas at doon niya nakita ang sugatan katawan ng isang babaeng chinese na hubad at nanginginig sa takot.
Mabilis umanong kumuha ng damit si Delaro at ipinasuot sa biktima at agad na tumawag ng mga opisyal ng barangay at mga pulis.
Sa pautal-utal na salaysay ng biktima sa mga pulis, kinidnap umano siya sa isang parking lot sa PITX at mabilis na isinakay sa itim na Van at dinala sa nasabing subdibisyon sa Laguna.
Agad na itinuro ng biktima sa mga awtoridad ang dalawang papatakas na suspek na nakilalang sina Xie Jing Long at Sheng Likun na naharang sa gate ng subdibisyon.
Ayon sa biktima, humingi umano ng P10 milyon mula sa kanyang mga kaibigan at pamilya ang mga suspek bukod pa sa nilimas din umano ng sindikato ang mahigit sa P300 libong laman ng kanyang ATM, alahas, mga signature na bags, 2 iphone , laptops, foreign currencies at imported na sapatos.
Idinagdag pa ng biktima na hindi umano siya kinalagan ng posas sa loob ng dalawang araw at isang baldeng tubig lang umano ang ipinampapaligo sa kanya.
Kung ilan beses din umano siyang halinhinang hinalay ng mga suspek.
Ayon sa mga opisyal ng Bureau of Immigration kasong kidnapping, rape at robbery ang isasampang kaso ng biktima sa dalawang chinese kidnappers. ARMAN CAMBE