BABAENG ESTUDYANTE NADUROG ANG ULO SA TREN

tren

LAGUNA – MASAKLAP ang sinapit ng 17 anyos na babaeng estudyante matapos masagasaan ng PNR train habang  papatawid ito sa riles sa Bgy. Banay-Banay lungsod ng Cabuyao kamakalawa ng umaga.

Sinasabing doon mismo sa gitna ng riles, nalagutan ng hininga ang biktimang kinilala ni PSupt. Arvin Avelino, hepe ng pulisya, na si Sopia Jully Postanes, Grade 11 student, bunsod ng pagkadurog ng kanyang ulo matapos masapul ito ng papara­ting na tren na may body number 04-MSC-546.

Sa imbestigasyon, tinatayang bandang alas-6:15 ng umaga habang aktong patungo ng Maynila ang nasabing tren mula sa lungsod ng Cabuyao ay aktong papatawid naman ang biktima patungo sa eskuwelahan at hindi ina­asahang maganap ang naturang insdente.

Sa kabila ng sinabihan pa umano ng ilang residente sa lugar ang biktima na may papara­ting na tren ay patuloy pa rin ito sa pagtawid hanggang sa nasapul at tuluyang pumailalim sa bagon.

Hinala ng mga residente na dahil ito sa kanyang suot na headset, hindi nito narinig at napansin ang papara­ting na tren bukod pa ang sigaw ng mga tao sa lugar na huwag itong tumawid.

Dahil dito, nadatnan pa ng kanyang mga magulang ang nakahandusay na katawan ng kanilang anak habang ang kanyang ulo ay nakahiwalay na sa kanyang katawan.

Samantala, pa­nawagan naman ni CDRRMO Head Rudy Perez sa mamamayan, “Patuloy po tayong maging mapagmatiyag, lalong-lalo na sa lugar ng PNR, at sana po sa management ng PNR ay magkaroon din po sila ng signages o babala sa ­ating mamamayan, nang sa ganun ay malaman po ng tao na dadaan sa riles na may papara­ting na tren, at higit sa lahat, matuto po tayong sumunod sa batas dahil ang atin pong kaligtasan ay hindi puwedeng ipagsawalang bahala.” DICK GARAY

Comments are closed.