BABAENG GURO NABUNDOL NG TRAK

nasagasaan

LAGUNA – WALA  nang buhay ng ma-rescue ng mga kagawad ng Pagsanjan Rescue Team ang 31-anyos na babaen­g guro matapos mabundol at makaladkad pa ng isang cargo truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa may kahabaan ng National Hi-Way, Brgy. Biñan.

Ayon sa ulat ni PCpt. Ro­bin Martin, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Richella Mapalo y Tenorio, may asawa, Grade 6 teacher ng Caezar Lanuza Elementary School ng lugar na ito.

Lumilitaw sa report na dakong alas-12:30 ng hapon habang aktong lulan sa kanyang minamanehong kulay asul na Honda 125 na motorsiklo ang biktima patungo ng bayan ng Sta. Cruz nang maganap ang insidente.

Sinasabing nagawa umanong mag-overtake ng biktima sa isang kotse na nasa gawing kanan samantalang hindi inaasahang mawala ito sa tamang direksiyon at tuluyan itong bumaligtad sa mismong gitna ng kalsada habang kasunod naman nito ang isang Sinotruk Cargo truck na mina-maneho ni Romeo Arbues Pareja, ng Brgy. Lapu-Lapu, Ibaan, Batangas.

Dahil dito, tumagal ng halos 30 minuto bago nakuha ng mga rescue team ang bangkay ng biktima habang nasa pagitan pa ito ng gulong na nasa kanang bahagi matapos maipit kung saan nakaladkad ng may ilang metro mula sa pinangyarihan ng insidente.

Samantala, sumuko sa pulisya ang tsuper ng truck makaraan ang insidente at nagkasundo na rin aniya ito at ang pamilya ng biktima na hindi na umano magsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya. DICK GARAY

Comments are closed.