BABAENG PINUNO NG KMP-BUKIDNON PINAGBABARIL

pinagbabaril

AGAD na kinondena ng mga manggagawa sa agrikultura ang ginawang  pagpatay sa isang 63-anyos na babaeng lider ng mga mag-sasaka sa lalawigan ng Bukidnon.

Kinilala ang nasawi na si Leonides Bacong, 63-anyos at residente ng Little Baguio, San Fernando, Bukidnon, sinasabing lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Northern Mindanao (KMP) Bukidnon chapter.

Ayon sa inisyal na ulat ng Bukidnon-PNP, sinalakay ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang biktima habang nagpapahinga ito sa loob ng kanyang bahay at agad na pinagbabaril ang walang laban na ginang.

Sinasabing nagpanggap muna na mga bisita ang dalawang suspek at nang matiyak na positibo na sila sa kanilang pakay ay pinagbabaril hanggang sa malagutan ng hininga si Leonides.

Isang punlo mula sa hindi pa nababatid na kalibre ng baril ang tumama sa leeg ng biktima na naging sanhi nang daglian nitong kamatayan.

Tuloy-tuloy pa rin ang ginagawag imbestigasyon sa kaso at pilit na inaalam ang pagkaka­kilanlan ng mga salarin habang nagpapatuloy rin ang pag-aaral ng PNP sa nasabing krimen. VERLIN RUIZ