(Babala ng Agri chief) IMPORTERS NG MGA NATENGGANG BIGAS SA PORTS IBA-BLACKLIST

NAGBABALA si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga importer na posible silang ma-blacklist kapag sinadya nilang matengga ang mga bigas sa loob ng ports.

Ang babala ay kasunod ng mga ulat na daan-daang containers ng imported rice ang iniwang nakatengga sa loob ng Manila ports.

“Definitely kailangan may blacklist yung mga ganoon klaseng importers. But of course, we have to really go look at ano ba nangyari para makita talaga. Maybe may justified reason naman or whatever,” sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Sinabi ng Department of Agriculture na tulad ng maraming imports, mangangailangan ito ng court order bago maibenta ang mga inabandonang shipments sa Kadiwa stores.

Ayon sa Philippine Ports Authority, ang lahat ng unclaimed shipments ay ite-turn over sa Bureau of Customs kapag nabigo silang kunin ito sa loob ng ibinigay na deadline.

Sa pahayag ng PPA, 530 containers ng bigas ang nananatili sa loob ng ports of Manila hanggang Miyerkoles ng umaga.

“Titingnan po natin dahil hindi naman ang mga consignee ay mag-aabiso kung kailan nila kukunin. So sa ngayon po hangga’t hindi pa po nila napu-pullout yan ay hindi natin malalaman talaga ang tamang bilang kung ilan po ang na-pullout within today,” ani PPA General Manager Jay Santiago.