(Babala ng Comelec sa mga kandidato) PRODUCT ADS BAWAL

comelec

IPINAALALA  kahapon ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maaaring mag-endorso ng mga produkto sa panahon ng kampanyahan ang mga kandidatong tumatakbo sa May 13 National and Local Elections.

Ang paalala ay ginawa ni Comelec spokesperson James Jimenez sa isinagawang joint press conference kahapon kasama ang Department of Public Works and Highways, Metro Manila Development Authority at National Capital Region Police Office, para sa kanilang ‘Operation Baklas’ ng mga illegal campaign poster.

“We define a campaign material as any material which promotes the victory or defeat of a candidate. Sumasakop ito ng ibang materyal kahit na hindi nakalagay ang mga katagang iboto ninyo ako, eleksiyon, halalan… kahit wala ang mga katagang iyon, itinuturing natin ‘yan na election campaign/propaganda. Bawal ‘yan. Tatanggalin ‘yan,” paliwanag ni Jimenez.

“Kung endorser [ng product ang kandidato], tandaan natin, ang kontrata, dapat sumusunod sa batas ng Pilipinas (sic). Dapat alam ng mga kum­panya na magkakaroon sila ng ganiyang issue,” aniya pa.

Tiniyak pa ni Jimenez na lahat ng  product advertisements ng mga kandidato para sa nalalapit na halalan ay kanilang babaklasin.

Bukod dito, kabilang din sa mga babaklasin ng Comelec ay ang mga illegal campaign materials na hindi sumusunod sa itinatakdang sukat at wala sa mga deklaradong common poster areas. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.