(Babala ng DA)MAGBEBENTA NG SMUGGLED ONIONS KAKASUHAN

POSIBLENG makasuhan ang mga magbebenta ng smuggled na sibuyas online o sa mga palengke, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ayon kay DA deputy spokesperson Rex Estoperez, hindi sila nag-isyu ng permit para mag-import ng mga puting sibuyas, kung kaya ang mga mahuhuling nagbebenta ng produktong ito ay awtomatikong kakanselahin ang kanilang mga permit.

“Kapag imported at smuggled po ‘yan at kapag nakahuli tayo ng mga sinasabi natin na mga smugglers, kasama kayo sa accomplice kasi nakitaan kayo ng ebidensiya,” ani Estoperez.

“May pananagutan ‘yan sa ating mga kababayan at sa aming monitoring team… Kung ano ang mangyari sa mga consumers, sagot ba nila? ‘Yan ang mga katanungan and even though nakabili ka nga ng mura pero mas mahal ang magpa-ospital,” dagdag pa niya.

Nauna rito ay sinabi ng ahensiya na ang mga smuggled na sibuyas na naharang ng mga awtoridad ay hindi ligtas kainin makaraang makita na may bacteria ang mga ito.

Sinabi ni Estoperez na ang 100,000 kilo ng sibuyas na nakumpiska ng mga awtoridad ay susunugin o ibabaon sa lupa para gawing compost.