AABOT hanggang P 1 milyon ang maaaring ipataw na multa sa mga colorum operator.
Ito ang babala kahapon ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa gitna ng ginagawang pagsisikap ng gobyerno upang mapalakas ang kanilang kampanya kontra unauthorized public transport vehicles para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Kasunod ang nasabing babala ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng DILG kasama ang Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA),para sa lilikhaing Joint Task Force (JTF) na siyang tututok sa suliranin sa trapiko at colorum operations sa National Capital Region.
“Napakalaki po nito, napakabigat po. Kaya warning na lang po, kung may colorum vehicles kayo, huwag na po kayong lumabas. Dahil siguradong mahuhuli kayo, mai-impound (ang inyong mga sasakyan). At ito ay sinasabi mismo ng batas. And we have to implement the law,” ani Sec Abalos.
Nabatid na nagsanib puwersa ang DILG, MMDA at DOTR katuwang ang Philippine National Police (PNP) para paigtingin ang panghuhuli sa mga colorum vehicle sa buong bansa.
Batay sa record, nasa 30% ng mga pampublikong sasakyan sa bansa ang walang lehitimong prangkisa.
“Siguro hindi mahirap gawin 100 percent kung mabawasan ng 90 percent, malaking tulong sa legit at pagbawas sa trapiko, “ ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
Habang nilinaw ng DOTR na kasama sa pupuntiryahin ng nagsanib-puwersa ang mga transport group na hindi magko-consolidate hanggang sa pagtatapos ng deadline sa Abril 30.
Ito ay dahil pagkatapos ng deadline ay maituturing nang kolorum ang mga hindi nagpa-consolidate.
“Pag ’di renew considered colorum kasama sila sa huhulihin, “ anang kalihim.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na tukoy naman nila ang mga ruta ng mga tsuper na hindi nag-consolidate.
“Identified naman ang routes saan may transport group na hindi nag-consolidate magkasa joint operation kami para mahuli ang colorum hindi lang ilegal pati hindi nag-consolidate,” ayon kay Artes.
Sinabi naman ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na gagamitin nila ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) para hulihin ang mga pulis na nakipagsabwatan sa mga may-ari ng colorum na sasakyan at mga driver nito.
Paalala ng MMDA, DOTR, PNP at DILG, aabot sa P200,00 hanggang P1 milyon ang multa sa colorum vehicle kaya iwasan na ito.
Nakapaloob sa Joint Administrative Order No. 2014-01, “specified the fines and penalties for violations of policies governing land transportation, for first offense of colorum violation, buses shall be fined Php1 Million; vans and trucks with P200,000; sedan vehicles with P120,000; and, P50,000 for jeepneys.
Meanwhile, 2nd offense shall correspond to the revocation of the Certificate of Public Convenience; disqualification of the operator; blacklisting of all authorized units of the operator; and, revocation of the registration of all authorized units of the operator.” VERLIN RUIZ