(Babala ng DSWD) P3K FOOD STAMP CARD ‘DI MASASANGLA O I-CASH OUT

IPINAHAYAG nang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gagamit sila ng isang sistema para sa Food stamp program upang matiyak na tanging ang mga benepisyaryo lamang ang makikinabang dito.

Ayon kay DSWD ASec. Romel Lopez, hindi maaaring maipasa sa iba o isangla ang ibibigay na ATM o electronic benefits transfer card dahil mayroon itong kakaibang mode of verification upang masiguro na ang recipient lamang ang gumagamit.

Kaya’t para maiwasan ang maling paggamit nito, sinabi ng DSWD na ang P3,000 halaga na laman ng food stamp card ay hindi maaaring ma-withdraw o ma-convert sa cash at maaari lamang ipambili sa partner merchant ng ahensiya.

Kahapon ay nagsagawa ng ceremonial rollout ang DSWD para sa food stamp program na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Umaabot sa 50 pamilya sa Tondo, Maynila ang unang benepisyaryo sa naganap na pilot run ng food stamp program.

Ang mga benepisyaryo ay natukoy ng DSWD ay sa pamamagitan ng kanilang targeting system na isinagawa.
EVELYN GARCIA