MILYON-MILYONG manggagawa ang maaaring maapektuhan ng pagtataas sa quarantine status sa Alert Level 4, ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP).
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr. na ang mas mahigpit na quarantine ay makaaapekto sa may tatlong milyong empleyado.
“Madali lang kasi sabihin na dapat Alert Level 4 tayo…’Yung mahihirap hindi kaya ‘yun, Mga 3 million na naman ang apektado, ang gugutumin mo na walang ayuda,” aniya.
Nauna nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakahanda itong maglaan ng P1 billion para sa mga manggagawang naapektuhan ng Alert Level 3.
Pinalutang ni Health Secretary Francisco Duque III ang posibilidad ng pagtataas sa quarantine status sa Metro Manila sa Alert Level 4 sa gitna ng patuloy na pagsipa ng COVID-19 cases.
Ayon kay Duque, kinokonsidera ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) dahil malapit na sa moderate risk ang healthcare care utilization rate sa rehiyon.
Sa gitna ng COVID-19 surge, sinabi ni World Health Organization (WHO) Country Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe na hindi na kailangang itaas ang umiiral na Alert Level 3 sa Metro Manila.
Maging ang Malacañang ay sinabi ring walang pangangailangan na ilagay ang Metro Manila sa Alert Level 4 sa kabila ng tumataas na kaso ng COVID-19.