PINAYUHAN ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko na mag-ingat laban sa pagbili ng mga COVID-19 vaccines na AstraZeneca, Pfizer at Moderna sa mga online selling platforms at social media.
Sa inilabas na advisory ng FDA, sinabi nito na ito ay isang “scam” lamang dahil wala pang lehitimo at aprubadong COVID-19 vaccines na ipinagbibili sa internet.
Nagpaalala pa ang FDA sa publiko na ang mga lehitimong bakuna ay istriktong ina-administer at ipinamamahagi lamang ng mga national healthcare regulators.
“The public is advised that this is a scam which uses online platforms and social media to attract buyers specially those who have preference on the brand of vaccines specifically our countrymen who work abroad (OFWs),” bahagi ng paabiso ng FDA.
Ibinunyag pa ng FDA na modus operandi ng mga scammer na mag-alok ng promo gaya ng ‘Buy 2 Take 1 deal.’
Sa sandali naman umanong ilagay mo na ang iyong order sa online selling platform ay kaagad ka nang icha-chat ng seller at ibibigay ang kanyang pribadong contact number, gaya ng Viber, WeChat, o WhatsApp at hihilingin na bayaran sila sa GCash o bank transfer bago ipadala ang bakuna.
Hihingi rin umano ang mga ito ng delivery fee at insurance fee ngunit kahit mabayaran aniya ng mga biktima ang lahat ng ito ay wala namang bakuna na ipadadala sa kanila.
Kasabay nito, muli ring nagpaalala ang FDA sa publiko na maging vigilante laban sa mga naturang scams.
Binigyang-diin pa ng FDA na ang lahat ng COVID-19 vaccines sa bansa ay ipinagkakaloob lamang ng libre sa mga mamamayan upang maprotektahan sila laban sa virus.
“The marketing and sale of any COVID-19 vaccine in the country is currently prohibited and punishable by law; further, the safety and quality of vaccines purchased unlawfully cannot be guaranteed as these may be counterfeit or have not been transported in the right temperature (cold chain), the public is reminded that counterfeit or spoiled vaccines may result to serious harm or injury, and may even lead to death,” paalala pa ng FDA.
“As of today, the Philippine government assure the public that there is no counterfeit COVID-19 vaccines available in the country. All Law Enforcement Agencies (LEAs) and Local Government Units (LGUs) are requested to ensure that COVID-19 vaccines are not sold or made available in the market or areas of jurisdiction,” pagtiyak pa nito. “The Bureau of Customs is also urged to prevent the entry of the unauthorized COVID-19 vaccines.”
Hinikayat din nito ang publiko na kaagad na isumbong sa kanilang tanggapan o sa mga awtoridad, kung may nalalaman silang ilegal na nagbebenta o namamahagi ng COVID-19 vaccines. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.