MABIBIGO ang Filipinas na makamit ang economic growth target nito ngayong taon kapag patuloy na nag-operate ang bansa sa re-enacted budget sa buong taon, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Sinabi ng NEDA na ang re-enacted budget hanggang April 2019 ay magbababa sa full-year gross domestic product sa 6.1 hanggang 6.3 percent, mas mababa sa government target na 7 hanggang 8 percent.
Samantala, kapag ang budget ay naipasa sa Agosto, ang paglago ng ekonomiya ay maitatala lamang sa 4.9 hanggang 5.1 percent.
“Worse, with a full-year reenacted budget, growth can go as low as 4.2 to 4.9 percent,” paliwanag ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.
Kapag nangyari ito, ito ang magiging unang pagkakataon sa loob ng pitong taon na ang paglago ng ekonomiya ay hindi aabot sa 6 percent, o magmula nang maitala ang 3.7 percent noong 2011.
Nabigo na rin ang bansa na makamit ang economic growth target nito noong 2018 sa 6.2 percent, na isinisi ng pamahalaan sa mahinang performance ng sektor ng agrikultura.
Ngayong taon, sinabi ng NEDA na ang paglago ng ekonomiya ay maaaring pabagalin ng re-enacted budget dahil hindi pa nalalagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte ang P3.757-trillion proposed budget para sa taon.
“I will not sign anything that would be an illegal document,” wika ni Duterte sa isang talumpati noong Marso 11.
Comments are closed.