NAGBABALA si Sen. Grace Poe na pananagutin niya sa korte si Presidential Adviser on Information and Communications Technology Ramon Jacinto kapag hindi ito nakinig sa Senado at itinuloy pa rin ang towercos duopoly.
“Talagang tututulan ko ‘yan at saka hindi ko lang basta-bastang tututulan dahil kung saka-sakaling hindi nila tayo pinakinggan, kasi alam ninyo naman ganyan ‘pag humaharap sa Senado ang gaganda ng sinasabi pero hindi naman nila tinutuloy, kaya magpa-file tayo ng kaso kasi kailangan talagang pigilan ang mga ganitong uri ng mga polisiya na sa tingin ko ay makasasama sa ating mga kababayan,” ani Poe, chairperson ng Senate committee on public services.
Ginawa ni Poe ang pahayag sa isang panayam sa radyo kahapon nang tanungin kung ano ang kanyang gagawin kapag itinuloy ang plano.
Iginiit ni Poe ang kanyang pagtutol sa common tower policy, at sinabing counterproductive ito sa layunin ng pamahalaan na mapaghusay ang telecommunications infrastructure sa bansa.
Sa ilalim ng draft memorandum circular na binuo ni Jacinto, lilimitahan sa dalawa lamang ang bilang ng independent tower companies na maaaring payagang magtayo ng cell towers sa bansa sa unang apat na taon ng pagpapatupad ng polisiya.
Nauna na ring tinutulan ng Philippine Competition Commission, ng Office of the Solicitor General at ng industry stakeholders ang draft policy dahil sa pagiging anti-competitive nito.
Ayon kay PCC Commissioner Johannes Bernabe, hindi sila sumasang-ayon sa duopoly proposal ni Jacinto dahil magiging labis ang limitasyon nito kung saan ang konstruksiyon ng telco towers ay nakapaloob sa prangkisa na ipinagkaloob ng Kongreso.
Gayundin ay sinabi ni Information and Communications Technology Acting Secretary Eliseo Rio na ang common tower policy na isinusulong ni Jacinto ay tiyak na kukuwestiyunin ng telcos sa korte.
Inamin niya na hindi maaaring pigilan ng pamahalaan ang telcos na magtayo ng sarili nilang towers.
“Yes, it is in their franchise and they cannot be prevented to put up their own infra including towers. We can’t come out with a Department policy or order that we cannot implement because we can be sued in court,” ani Rio.
Binigyang-diin ni Poe na dapat isaayos ng gobyerno ang imprastraktura upang mapagbuti ang internet at cellular phone signals sa bansa.
“Kung napapansin ninyo, masama ang signal ng telepono natin, mabagal ang internet natin, maraming problema sa ating cell-phone. Alam mo, malaking dahilan din diyan ay kulang tayo ng mga cellular tower, parang antenna lang ‘yan ng bahay, pero ito dapat sa iba’t ibang parte ng ating bansa,” aniya.
Idinagdag pa ng senadora na kailangan pa ng bansa ng 45,000 cellular towers.
“So, para magkaroon tayo ng mga cell tower dapat nagpapagawa na ngayon ‘di ba? Ang problema, unang-una, bago magkaroon ng permit para magkaroon ng cell towers, napakatagal, muli problema rin ng local government ‘yan,” ani Poe.
“Pangawala, ‘yun nga, dalawa lang ang kompanya na gumagawa rin niyan halos ‘di ba Globe at Smart. Tapos ngayon, si Presidential Adviser on Economic Affairs, si Mr. RJ Jacinto, ang sinasabi niya na ‘yung kanilang proposal ay papayagan lamang nila ay dalawang kompanya ang gagawa ng cell towers, ‘yun ang pagkakaintindi natin,” dagdag pa ni Poe.
Kung magkakaganito, ang konstruksiyon ng towers ay muli aniyang babagal.
“Hindi ba ang gusto nga ng Presidente magkaroon ng mas maraming kumpetisyon lalong-lalo na pagdating diyan sa cellular service para mas bababa ang presyo, mas magiging efficient. Itong ginagawa ni Presidential Adviser on Economic Affairs ay parang kabaligtaran,” sabi pa ng senadora. VICKY CERVALES
Comments are closed.