(Babala sa mababang Tertiary Education Subsidy) COLLEGE DROPOUTS DARAMI

Nagbabala si Senador Win Gatcha­lian na maaaring dumami ang bilang ng mga college dropout dahil sa pagbaba ng halagang ibinibigay sa mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES).

Bagama’t 79.2% ng mga TES grantees ang natatapos sa pag-aaral, nangangamba si Gatchalian na maa­aring bumaba ang bilang na ito dahil sa pagbaba ng ha­laga ng mga TES grants. Sa nakaraang delibe­rasyon sa panukalang pondo ng Commission on Higher Education (CHED), hinimok ni Gatchalian ang Komis­yon na muling pag-aralan ang halagang ibinibigay nito sa mga benepisyaryo ng TES upang matiyak na makakapagtapos sila ng pag-aaral.

Binigyang diin ni Gatchalian na ginagamit ng mga benepisyaryo ng TES ang natatanggap nilang halaga para matustusan ang mga bagay na may kinalaman sa kanilang pag-aaral. Dating nakakatanggap ng P60,000 ang mga TES grantees mula sa mga pribadong higher education institutions (HEIs) at P20,000 sa naturang pondo ay para sa tuition at ang natitirang P40,000 ay para sa transportasyon, pagkain, tirahan, mga gamit sa pag-aaral, at iba pa. Dati namang nakakatanggap ng P40,000 ang mga mag-aaral mula sa mga pampublikong HEIs. Sa kasalukuyan, P27,000 na lang ang natatanggap ng mga mag-aaral mula sa pribadong HEIs, at P20,000 naman ang natatanggap ng mga mula sa pampublikong paaralan.

Ipinaliwanag ng CHED na bagama’t may 200,000 slots para sa mga TES grantees kada taon, nakatanggap ang Komisyon noong 2021 at 2023 ng 1.6 mil­yong aplikasyon para sa TES grants. Dahil dito, nagpasya ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Board na babaan ang halaga ng mga grant upang dumami ang bilang ng mga benepisyaryo. Sa kabila nito, nakapag-accommodate lamang ang Komisyon ng 250,000 na mga benepisyaryo.

“Dapat maging sapat ang mga halagang binibigay natin upang matapos ng ating mga benepisyaryo ang hanggang ikaapat na taon o ang pagtatapos ng kolehiyo. Naniniwala ako na sapat ang P60,000 at P40,000 upang matiyak natin ang pagtatapos ng mga mag-aaral, matugunan ang kanilang mga gastusin, at mahikayat silang manatili sa paaralan,” ani Gatchalian, Co-Chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).

“Para sa akin inilaan natin ang ganung mga halaga upang mapigilan ang pag drop-out at makapagtapos sila. At ganun ang gusto natin—ang makapagtapos sila imbes na nagbibigay tayo ng tulong pinansyal pero titigil naman sila sa pag-aaral sa gitna ng taon,” dagdag ni Gatchalian.

VICKY CERVALES