BABANGON AKO! – JONATHAN

BUSINESS FROM THE HEART

NOONG 2004, nag-resign sa trabaho sa isang construction firm si Jonathan Matthew Toledo.  Maayos naman ang suweldo  at mataas na rin ang posisyon pero parati niyang naiisip noon na boss lang niya ang yumayaman at ayaw niya na habambuhay ay empleyado.  Kada tunog ng alarm clock sa umaga, kusang lumalabas sa bibig niya ang mga salitang “ayoko na, ayoko na.” Sawa na si Jonathan na gumising nang napakaaga at makipagtagisan sa traffic sa EDSA at harapin ang pressure sa trabaho kasama na ang boss na sobrang perfectionist.

Kaya noong 2005,  itinayo niya ang John Matthew Salon and Spa.  Gumasta ng P1 million dahil tatlong floors ang shop – salon sa ground floor, foot massage sa 2nd floor at body massage sa 3rd floor. Malaking pera para sa kanya ang P1 million kaya sa isip, do or die na ito. Kailangang magtagumpay. Dasal niya sa Diyos na sana kahit maibalik lang ang puhunan … kahit 3 years lang tumagal ay masaya na siya.

Napaka-challenging i-manage ang negosyo niya. Pero hindi kaagad naging maayos ang lahat, marami pang pagsubok. Mas problema ang mag-manage ng mga staff  kaysa mag-imbita ng customers. Nakapanlulumong  aminin na  90 porsiyento ng mga namasukan sa kanya ay walang disiplina at 10 porsiyento lamang ang maayos ang trato sa kanilang trabaho.  Kulang ang isang makapal na libro para maglalaman ng kakaibang mga naranasan niya sa mga ugali ng mga tauhan.

May isang hairdresser na awang-awa siya dahil napakakonti ng bumabalik nitong mga customer samantalang napakahusay namang maggupit.  Sa awa niya,  siya na mismo ang nagtatawag ng mga kaibigan para maging customers ng hairdresser niyang ito.  At nang sumali sa HairAsia competition ang taong ito, si Jonathan ang nag-sponsor sa lahat ng gastusin. Sobra ang tulong at support niya. But after a few weeks, nawindang na lang nang madaanan ang isang parlor na under construction at malapit lang sa kanyang shop.   Na-shock si Jon nang makita ang nagmumuwestra sa construction worker. Sino pa kundi ang sinuportahan niya nang husto na hair-dresser sa kanyang salon. Agad, kinutuban na si Jonathan na ang nagmamay-ari ng ginagawang parlor ay mismong ang empleyado niyang ito. Parang alam na niya na ang mga kustumer na dapat ay doon napupunta sa kanyang salon ay dito na dinadala ng taong ito na  tinulungan niya nang husto.   Baba si John sa kanyang sasakyan, namutla agad ang traydor nang makita siya, halatang guilty. Ni hindimakapagsalita.  Nasasaktan pero mahinahon pa rin si Jonathan at ito lang ang sinabi: “Okay lang na magtayo ka ng sarili mong negosyo pero hwag namang napakalapit sa shop ko. Naging mabuti ako sa ‘yo para kalabanin mo ako.”   Nakayuko lang na akala mo maamong tupa, iyon naman pala talagang disidido nang maging mahigpit itongkakumpetensya ng parlor na nagpala sa kanya.  Parang nag-alaga ngahas si Jon na tutuka pala sa kanya. Pero pagkaraan ng ilang taon, nagsarado rin ang kakumpitensya samantalang sa awa ng Diyos, namumukadkad pa rin ang shop ni John na binibiyayaan ng maraming customers. Nabalitaan pa ni Jon na galit na galit sa mga hairdressers na pinagkatiwalaan ang taong ito dahil niloko. Karma ba ang tawag doon?

Hindi pa rin natapos ang kalbaryo ni Jon. Karamihan ng mga staffay umaalis na lang nang walang paalam. Minsan ang akala ay absent lang yun pala ay hindi na talaga papasok. Kung magreresign naman sila, on the same day na rin aalis. Hindi magbibigay ngpanahon para makahanap ng kapalit. Hindi niya makakalimutan nang magresign at aalis na rin kaagad on the same day ang dalawang hairdressers  at isang manikurista. Hindi mapigilan kahit anong pangungumbinsi . Kesyo kailangan sila sa probinsya at emergency raw talaga.   After a few days,  may nagsabi sa kanya na namamasukan ang tatlo sa isang parlor na medyo malapit din sa shop niya.  Nasaktan na naman kaya pinuntahan niya ang tatlo para ipamukha na sinungaling ang mga ito.  After 3 months, isa isang nakiusap ang tatlo para makabalik.  Napakahina raw kasi ng parlor na nilipatan nila. Kung meron man daw customer, hindi naman nagbibigay ng tip. Dahil mga sinungaling at pinilay nila ang negosyo ni Jonathan, paano pa siya magtitiwala? That’s why he said no. Sorry. Maghanap na lang kayo ng ibang maloloko ninyo, sabi niya sa tatlo.

Mahaba na ang tinatakbo ng negosyo ni John pero ang mga pagsubok sa mga tauhan ay nagpapatuloy pa rin, patunay na sa pagnenegosyo it takes time bago ka makatagpo ng mga empleyado na matatawag na blessings from heaven. Sakit na hindi magamot-gamot ng kanyang mga hairdressers, manikurista at masahista noon ay absent at late.  Kada sweldo o kapag malaki ang tip na natanggap, siguradong aabsent ang staff kinabukasan.  Kapag day-off nila, tutuhugin nila ang susunod na araw para mag absent din.  Ganoon din kapag holiday.  Tapos na ang bakasyon sa Pasko pero magpapakasasa sila at magpapakita na lang pagkatapos ng Bagong Taon. Pinaka-notorious sa pagiging late at pala-absent ay ang isa niyang hairdresser na ni minsan ay hindi pumasok sa tamang oras. Iisa lang parati ang rason nito… naghahatid ng anak sa eskwela at hindi pwede gawin yun ng asawa nya dahil bawal daw ma-late sa office. Pero late pa rin siya kapag bakasyon ng anak niya sa eskwela! Kaya hindi anak o asawa ang problema ng empleyadang ito kundi ito mismo na ipinanganak yata na laging nahuhuli sa takbo ng mundo.  Tatanggapin na lang ba ni John ang katotohanan na isa lang sa sampung absent or late ang totoo ang rason na sasabihin ng staff?  Karamihan ay dahil napuyat sa gimik, may bisyo o tinatamad lang pumasok.

Nakarating na rin sa presinto si Jonathan—dahil sa isa niyang hairdresser na hinuli dahil sa alegasyon na nang-rape. Kahit bagong pasok pa lang sa kanyang shop, malasakit na ang binigay ni John dito. Nang bisitahin niya sa kulungan,  halos lumuhod ito habang umiiyak na nagmamakaawang tulungan siyang makalaya. Umuwi si Jonathan pero hindi niya maialis sa isip ang tauhan na nasa loob ng selda. May mahahaba pa itong letters sa kanya na paulit-ulit ang pangako na magsisilbi sa kanyang shop habang buhay kapagnatulungan. Nadurog ang puso, naglabas ng malaking pera si Jonathan para aregluhin ang nagdemanda sa tauhan niya.  Tuwang-tuwa ito nang makalaya. Pero nang tanungin na ni Jonathan kung paano nito huhulog-hulugan ang nagamit na pera sa pag-areglo ng kaso nito,  diretso ang sagot ng bagong laya: utang ba yun, akala ko tulong mo yun.  To cut the story short, nagpataas ito ng sweldo at doon sa increase kinuha ang panghulog nito. Kahit pakiramdam ni John para siyang ginigisa sa sarili niyang mantika, pikit-mata siyang pumayag.  After a few months, puro absent na ang ginawa nitohanggang sa hindi na nagpakita. Iyon pala, may isa itong kustumer na nagtayo ng salon at doon na ito nagsiserbisyo. Hindi rin naman nakatagal ang may-ari sa ugali nito kaya biglang isinara na lang ang shop na katatayo lang. Nagbalik-probinsiya sa Visayas ang hairdresser at doon na lang namamasukan. Aminado si Jonathan na gusto niyang pagsisihan ang pagtulong sa taong iyon. Kung puwede lang niyang balikan ang paninikluhod nito ay talagang tatanggihan niya ang inggrato para mabulok na lang sa kulungan at matuto ito ng leksiyon sa buhay.

Yes, marami ring staff ang magnanakaw, manunulot ng customer, chismosa, mahilig manira at lahat pang kabaliwan.  Napapagod na si John, para na siyang umiiyak ng dugo dahil sa mga staff na pasaway pero patuloy pa ring umaasa na isang araw, God will touch his journey at maaayos din ang lahat. Pero natuto na siyang huwag magpauto. Ang mga pasaway, kahit pa maaapekthuhan ang kanyang negosyo ay tini-terminate na niya kaagad. Ginawa niyang goal ang paghahanap at pagri-retain lamang ng mga tauhan na marunong magmahal sa trabaho.  (Itutuloy)

Comments are closed.