BABANGON SA BAGONG HAMON!

HOPE

(Ni CRIS GALIT)

MALINAW na uukit sa kasaysayan ang taong ito — dalawang siglo’t dalawang dekada — kahit nagsimula pa noong 2019 ang pandaigdigang krisis na kinakaharap natin,  ngayong taong 2020 naman ito naging isang ganap ng pandemya.

Tulad ng mga naunang pandemyang kumitil sa milyon-milyong katao, ang coronavirus disease 2019 o COVID- 19 na pinaniniwalaang nagsimula sa Wuhan, Hubei Province of China na opisyal at idineklarang pandemya ng World Health Organization (WHO) noong March 11, 2020 ay patuloy pa ring hinahanapan ng lunas o  bakuna ng mga eksperto. Sinasabing aabutin  pa ito ng ilang taon bago tuluyang makagawa ng bakuna laban sa COVID-19.

Base sa ulat, nagsimula ang unang kaso nito sa China noong Nobyembre  17, 2019 sa Hubei Province sa  hindi matukoy na dahilan hanggang sa magkaroon pa ng karagdagang mga kaso. Naging kontrobersiyal  ang virus na ito nang maglabas ng mga mahahaalagang impormasyon pangkaligtasan si Dr. Li Wenliang, isang optalmologist, sa iba pang  mga doctor at dahil dito, nagkaroon ng kamalayan ang buong mundo at naging isa na lamang alaala si Dr. Li na pumanaw rin sa sakit na ito.

Sa ngayon, mayroon na itong mahigit na anim  na milyong kaso sa buong mundo. Pinakamalaking bilang dito ay sa Amerika, partikular  na sa lungsod ng New York at patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga tinatamaan  ng virus na ito.

Ang tanging magagawa natin sa ngayon ay ang sundin ang mga alituntunin para sa kaligtasan ng bawat isa tulad na lang ng pananatili  sa bahay, palaging pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay, social at physical distancing at kumain ng masusustansiyang pagkain.

Dahil din sa pandemyang ito, maraming negosyo at kabuhayan ang apektado. Marami ang nawalan ng hanapbuhay. Mula sa ipinatupad  na Enhanced Community Quarantine (ECQ) o lockdown sa buong Luzon noong March 17 hanggang sa kasalukuyang  Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), marami pa rin ang hindi nakakabalik sa kani-kanilang trabaho, marahil ay inuuna ng may-ari ng kompanya ang kasiguruhan  sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado. Subalit, mayroon ding gusto nang magbukas ng kanilang serbisyo para makabawi sa mga nawala nitong kita sa mahigit dalawang buwang pagtigil ng operasyon.

Simula bukas, June 1, 2020, ipatutupad naman na ang General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila. Hindi man lahat pero asahan nating marami na ang babalik sa kanilang hanapbuhay. Ito na marahil ang simula ng unti-unting pagbangon.

Sa ika-walong anibersaryo ng PILIPINO Mirror, iniaalay namin ang isyung ito sa bawat Filipino saan man sa mundo. Nalimitahan man ang aming mga galaw, kahit pa huminto ang produksiyon ng pag-imprenta ng aming pahayagan dahil sa COVID-19, nagpatuloy naman kami sa paghahatid ng mga makabuluhang balita at impormasyong napapahon sa pamamagitan ng digital – sa website na www.pilipinomirror.com at Facebook Page: PILIPINO Mirror.

Hindi maiaalis sa atin ang matakot at mangamba para sa kaligtasan natin at ng ating pamilya. Ang mahalaga, sundin lang ang mga alituntunin na ipinatutupad ng gobyerno.

Sa halip na magmukmok at malungkot sa mga nangyayari, isipin na lamang na isa itong baitang  ng hagdan na maghahanda sa atin sa mga susunod pang pagsubok na haharapin.

Isa itong pagpapaalala sa atin ng pagkakaroon ng sapat na ipon nang sa gayon ay mayroon tayong magagamit sa mga ganitong sitwasyon. Iwasan na natin ang gumastos nang gumastos kung hindi naman ito importante at kailangan.

Ipinaaalala rin sa atin ang kahalagahan ng kalinisan hindi lamang sa sarili, kundi maging sa kapaligiran natin para maiwasan ang paglaganap ng iba’t ibang uri ng sakit.

Sa mahigit anim na milyong kaso ng COVID-19 sa buong mundo (at patuloy pang tumataas ang bilang), isa lang ang tiyak, sa gabay ng Panginoon, BABANGON TAYO SA BAGONG HAMON NA ITO!

Comments are closed.