BABAWI ANG PALAYAN CITY

on the spot- pilipino mirror

NAUDLOT ang pagsikwat ng kampeonato ng Palayan City Capital noong Linggo sa bakuran ng Capital. Sayang at full support pa naman sina Mayor Adrianne Mae Cuevas at team owner Bong Cuevas na husband ni mayora. Oks pa rin, ‘di nawawalan  ng pag-asa sina coach Alvin Grey at team manager Ryan Ripalda na mapapasakamay rin nila ang inaaasam na korona sa darating na Linggo kung saan balik-Manila ang laro. Gagawin ito sa Paco Arena sa Manila.

Nakabawi ang San Juan Knights sa Palayan, 74-66. Sa simula kasi ay medyo  nanggigil ang tropa ni coach Grey kaya sa first at 2nd quarters ay natambakan ang Palayan. Ngunit pagdating ng 3rd quarter ay nanginig ang tuhod ng mga manlalaro ng Knights dahil parang tambutsong umusok ang Capital para habulin ang 20-point biggest lead ng San Juan. Ibig sabihin nito ay kaya pa ring buma­ngon ng tropa ni coach Grey.

“Kailangan naming mag-step up, saka walang puwedeng sisihin sa pagkatalo namin kundi mga sarili namin. Hindi puwedeng sisihin ang referees, ang sabi ko sa mga player ko sila ang naglalaro. ‘Wag nilang intindihin ang tawag ng mga referee kasi mawawala ang focus nila sa laro. Dapat mawala sa amin ‘yung relax, kailangang kumayod kami nang husto para mapasakamay namin ang ­inaasam naming crown,” sambit ni coach Grey.



Saludo naman kami sa mayor ng Gapan na si Mayor Emeng Pascual. Libre ang gym sa lahat ng nais gumamit nito. Maganda, malinis ito. Malaking bagay sa mga nagpapaliga at mga okasyon  sa lugar na malibre. Magkaroon kaya ng ganitong gym sa Manila na libre? Congrats, mayor. Sayang wala si Mayor Emeng noong may game ang Palayan at San Juan.



Halos isa’t kalahating taon na palang wala si ex-PBA referee Boy Cruz sa PBA. Masalimuot ang istorya ng pagkawala ni Cruz sa PBA bilang referee. Pero bago siya nawala, ang pagkaka­alam ko ay supervisor siya that time. Ok naman sa kasalukuyan si ref Boy Cruz. Happy sa kanyang bagong kinalalagyan. Head technical committee siya sa isang liga na nagkakapangalan na rin. Katunayan, si coach Pido Jarencio ang commissioner dito. Madalas na rin nating makikita si Cruz sa PBA hindi bilang referee kundi bilang consultant ng NLEX Road Warriors.Kinuha siya ni Ronald Dulatre na team representative. Huwag ismolin si Boy Cruz, marami siyang achievement noong panahong pumipito siya sa pro league. Isa siya sa  itinuturing na legend na rin sa liga at iginagalang. Kay ref. Cruz, congrats at good luck sa bagong tinatahak na career.



Habang isinusulat ko ang column na ito ay nagmi-meeting pa ang PBA Board kung iko-close door nila ang laro ng liga ngayong araw at sa mga susunod pang laro bilang pag-iingat sa COVID-19. Laganap na ang COVID-19, mayroon na sa Marikina, QC at iba pang lugar. Mag-ingat po ang lahat.

Comments are closed.