INAASAHANG babayaran na ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang P4.6 billion unpaid wages sa pagtatapos ng kontrata ng may 9,000 Filipino migrant workers, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Sinabi ni Bello na ang pagbabayad ng unsettled salaries at benefits ng mga Pinoy workers ay isasagawa sa pagbisita ng labor minister ng Middle East nation na si Ahmed al-Rajhi sa Disyembre.
“The unpaid salaries of our OFWs can be settled just in time for Christmas,” ani Bello.
Ayon pa kay Bello, umapela si al-Rajhi sa Pilipinas na i-reconsider ang ikinakasang deployment ban sa Gulf nation sa sidelines ng Abu Dhabi Dialog noong nakaraang linggo.
Nagbabala si Bello na magpapatupad ng deployment ban sa Saudi dahil sa unpaid salaries ng OFWs, na napilitang umuwi makaraang matigil ang pagtanggap nila ng sahod.
Inatasan ng kalihim ang line agencies ng DOLE na tingnan ang posibilidad ng ban, makaraang mabigo ang Saudi government na madaliin ang pagpapalabas ng unpaid salaries sa kabila ng kautusan ng kanilang mga korte pabor sa OFWs noong 2016.