BABOY NA MAY SWINE FLU INABANDONA

baboy

BULACAN – ISANG “kulong-kulong” na tricycle na naglalaman ng naghihingalong baboy na hinihinalang apektado ng African Swine Flu (ASF) habang ang iba pang baboy ay patay na natagpuan sa liblib na lugar sa Brgy. Sta. Rita sa bayan ng Guiguinto kahapon ng umaga.

Ayon kay Tatay Efren Birangcol, makailang beses na nilang napapansin ang madalas na pag-standby ng mga trailer na may dala-dalang baboy na mga naghihina na.

Ayon pa sa ilang residente sa lugar na halos dalawang linggo na nilang nakikita ang mga trailer na may lamang baboy na posibleng apektado ng ASF.

Ayon naman kay Dr. Ed Jose, veterinary officer, na posibleng hindi na sila makapasok sa kanilang hog trading  site sa loob ng Pritil Public Market kaya sa labas na lamang isinasagawa ang bentahan ng baboy na maaaring may sakit na ASF.

Nabatid na alas-5:00 ng umaga nang makita  ang kulong-kulong na may plakang CC-42506 lulan ang malalaking baboy.

Bunsod nito, agad nagsagawa ng disinfection ang mga tauhan ng Bureau of Animal Industry sa paligid malapit sa dalawang baboy na may ASF.

Samantala,  umapela si Jose sa mga trader ng baboy na iwasan muna ang pagbebenta ng baboy  habang hindi pa naaalis ang sakit na ASF.

Layon nito na maiwasan ang pagkakaroon ng sakit dahil madaling naililipat ito sa pamamagitan ng ihi, laway, dugo at dumi ng baboy na maaring makaapekto sa mga backyard at hog farms. THONY ARCENAL