BACHMANN TODO PAPURI SA PH SEAG ATHLETES

SALUDO si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richard “Dickie” Bachmann sa mga Filipino athlete na matapang na nakipaglaban at itinayo ang bandila ng Pilipinas sa 32nd Southeast Asian Games na nagtapos kahapon sa Phnom Penh.

“I am proud of our athletes,” pahayag ni Bachmann. “I saw how they worked hard—with my own eyes—while preparing for the games and when they did battle in Cambodia.”

“Each moment our flag was raised in honor of a win was a proud moment for every Filipino,” aniya.

Nasa kanyang ika-4 na buwan pa lamang bilang chairman ng PSC ay nakita na ni Bachmann kung paano nagsanay at sumabak ang Filipino athletes sa international competitions nang bisitahin niya ang iba’t ibang training sessions ng national teams sa kanyang mga unang linggo sa puwesto.

Ang SEA Games ang unang international competition sa ilalim ng kanyang liderato at siniguro niya na nasubaybayan niya ang bawat atleta sa games na nagtapos kahapon.

Si Bachmann ay lumipad tatlong araw bago ang opening ceremony at nag-ikot sa mga atletang Pinoy.

Matindi ang init sa Cambodia— mas mainit pa sa Pilipinas — subalit hindi ito naging hadlang para saksihan niya ang bawat panalo at ang matapang na pakikipaglaban ng mga atleta na nabigong mag-uwi ng medalya.

Naabot na ng Pilipinas — bagama’t imposible nang maduplika ang fourth place finish sa Vietnam noong nakaraang taon — ang 50-gold medal mark noong Lunes ng gabi.

Naging inspirasyon ito ni Bachmann para tiyakin ang buong suporta ng PSC sa kampanya ng Team Philippines sa international competitions sa hinaharap.

“We reaffirm our support to our national athletes,” aniya. “The PSC will continue to work as hard as you train. Salamat sa lahat ng inyong sakripisyo!”