BACK-FLOODING NANANALASA PA RIN SA CALUMPIT

CALUMPIT BULACAN

BULACAN – PATULOY pa ring dumaranas ng matinding tubig-baha ang bayan ng Calumpit na bahagi ng coastal town sa unang distrito ng Bulacan bunga ng back-flooding o bahang nanggagaling sa mataas na bahagi ng Norte partikular sa Pampanga, Nueva Ecija at ilang bayan sa Bulacan na dumaraan sa Pampanga river.

Sa impormasyong nakalap sa tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nakabase sa Provincial Capitol ground sa Malolos City, muling naging catch basin ang bayan ng Calumpit na nagsimulang maranasan noong Setyembre 17 bunga ng back-flood.

Nakumpirmang ang tubig na nanggagaling sa mataas na bahagi ng Pampanga, Nueva Ecija at Bulacan ay bumabagsak sa Pampanga river patungong Manila Bay ngunit nadaraanan nito ang mabababang bayan na bahagi ng coastal area kaya dumaranas ito ng bahang umaabot hanggang dalawang piye sa kasalukuyan.

Maging si Cong. Jonathan Alvarado (1st District, Bulacan) ay patuloy na tumutulong sa mga apektadong mamamayan sa kanyang distrito kung saan umabot pa sa 20 mula sa 29 na Barangay sa bayan ng Calumpit ang dumaranas ng back-flooding at mahigit isang linggo na nila itong tinitiis na sinasabayan pa ng high tide.

Patuloy na namamahagi ng relief goods si Cong. Alvarado katuwang ang pamahalaang-bayan ng Calumpit sa mga apektadong pamilya ng tubig-baha na maaaring tumagal pa rin ng ilang araw dahil mabagal ang paghupa ng back-flooding sa kabila na matagal nang nakaalis ng bansa ang Bagyong Ompong.

Sa kabila nito, patuloy na nakaalerto ang Bulacan Rescue Team kung sakaling patuloy na tumaas ang tubig sa bayan ng Calumpit at lumawak ang pinsala ng back-flood.

Nakumpirmang ito na ang ikatlong beses na dumaranas ng nasabing uri ng baha ang mga bayan sa Unang Distrito ng Bulacan ngayong taon lamang na ito dahil ito ang catch basin ng mga bahang nanggagaling sa iba’t ibang parte ng Norte na may mataas na lugar. A. BORLONGAN

Comments are closed.