(Ni CRIS GALIT /Kuha ni RUDY ESPERAS)
SWAK sa tema ng aming unang bahagi ng ika-pitong anibersaryo na “Year 7: Mas Masuwerte sa Siyete” ang muling pagkakagawad sa amin ng katatapos lamang na 17th Gawad TANGLAW o Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw sa ginanap na Gabi ng Parangal bilang “Best Filipino Newspaper” sa Museo ng Muntinlupa nitong May 8, 2019.
Pero sabi nga, ang lahat ng ito ay pinaghihirapan at hindi dapat umaasa sa suwerte lamang. Lagi po naming inuuna ang kapakanan ng nakararami dahil batid namin ang kahalagahan ng responsable at makatotohanang pamamahayag kahit alam din namin na nababahiran ang kredibilidad ng media dahil sa fake news.
Kaya naman, labis ang aming pasasalamat sa bumubuo ng Gawad TANGLAW sa muling pagkilala sa aming pahayagan na ang nais ay makapa-ghatid ng napapanahong balita at artikulong pangnegosyo.
“Labing apat ang national tabloid na seryosong nag-aagawan sa merkado, kaya noong ika-labing anim na Gawad Tanglaw na parangal ang nagbigay sa amin, naghinala po ang aming patnugutan na natsambahan lang namin ang parangal na ito. Ito pong ika-labing pitong parangal ng Gawad Tanglaw ay patunay lamang po na nagkamali ang aming hinala. Maraming salamat po sa lahat at alay po namin ito sa ama ng PILIPINO Mirror, kay yumaong Am-bassador Antonio Cabangon Chua at sa anak niya na si boss D. Edgard Cabangon na patuloy na gumagabay sa aming patnugutan. Maraming salamat po muli, Gawad Tanglaw!” ayon sa aming executive publisher at editor-in-chief na si Rey Briones matapos tanggapin ang award sa Auditorium ng Museo ng Muntinlupa.
MGA PILING PAHAYAG MULA SA GAWAD TANGLAW
“Ganito kami sa TANGLAW, ang pagsusuri at pagpili ng mga indibiduwal ay laging nakabaon hindi lamang sa kasiningan kundi higit sa halagang panlipunan. Laging hamon sa amin ang pagtatanghal ng mga indibiduwal mula sa apat na haligi ng industriya at pamamahayag sapagkat marami pa rin ang nakalilimot sa sinumpaang tungkulin at kinakain ng sistema ng kapitalismo at politika. Totoo, maaaring marami ang itanghal na tagapagtaguyod ng sining at media subalit iilan lang ang tunay na tapat at maluwalhating tumupad sa kaniyang sining at propesyon sa diwa ng katotohanan, katarungan at pagkamakabayan,”
“Kaya ngayong hapon, ikinararangal naming itanghal sa tanan na ang lahat ng nagsipagwagi ay mga indibiduwal, artista, at manggagawang pangkul-tura na nanatiling masiklay sa kanilang sining at matapat sa bayan. Sila ang magsisilbing giya ng sambayanan na maging mapanuri at matalino sa pagkonsumo ng media. Sila ang ehemplo at batayan sa kung ano ang dapat itakda bilang pamantayang pang-estetika at konteksto ng sining. Kinikilala ang kanilang ‘di matatawarang kontribusyon sa iba’t ibang larang upang magsilbing hamon para sa iba na mapagbuti at mapaghusay ang kanilang sining at higit sa lahat, magbalik sa tungkuling nararapat,” pahayag ni Jan Henry M. Choa, Jr., pangulo ng Gawad TANGLAW.
“Mga matibay na ebidensiya na kayo ay nag-aral nang mabuti, ginawa ang inyong mga assignment, ang inyong mga project, at nagkaroon kayo ng magagandang likha o obra maestro,” pahayag naman ni Dr. Teresita C. Fortuna, CESO III nang maghandog ng award sa mga kinilalang artista.
Nagbigay rin ng pahayag sina Dr. Florita V. Miranda, Dr. Ele Presnedi, pangulo ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa (PLMun), Roger John Patdu Smith, deputy city administrator at chief administrative officer ng Muntinlupa at nagsilbing host na si Dr. Jaime Gutierrez-Ang, president emeritus ng Gawad TANGLAW.
Muli, ang aming taos-pusong pasasalamat sa Gawad TANGLAW.
Asahan po ninyo na lagi pa naming pagbubutihin ang aming tungkulin dahil batid naming ang suwerte ay may kaakibat na responsibilidad na lalo pang ipagpatuloy ang pagbabalita ng totoo, paghahatid ng impormasyong makatutulong sa ating mga kababayan na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.