Laro bukas:
(Filoil EcoOil Centre)
2 p.m. – Perpetual vs San Beda (Men Finals)
WINALIS ng College of Saint Benilde ang Lyceum of the Philippines University, 25-19, 25-11, 25-20, para sa ikalawang sunod na NCAA women’s volleyball crown kahapon sa Filoil EcoOil Centre.
Hindi tulad noong nakaraang taon, hindi naging madali para sa Lady Blazers ang pag-abante sa championship round.
Noong nakaraang taon ay natalo lamang ito sa isang set, ngunit ngayong season ay nakaranas ang Lady Blazers ng dalawang five-setters na sumubok sa kanilang character para makumpleto ang isa pang perfect season.
Sa kabila ng lahat ng pagsubok, kabilang ang pagkawala ni last year’s MVP Mycah Go dahil sa knee injury, ilang linggo bago ang simula ng season, nasungkit ng Lady Blazers ang kanilang ikatlong titulo sa kabuuan.
Nahila rin ng Benilde ang kanilang remarkable winning streak sa 29 simula pa noong 2020 season.
“Excited and masaya as always,” sabi ni Yee.
“For us, mailusot namin ang taon na ito ang probably okay na kami in the coming years. Ang hirap ng competition ngayon, lahat nag-improve. I’m happy na nakuha pa rin namin,” dagdag pa niya
Ang Lady Pirates ay umusad sa Finals sa kauna-unahang pagkakataon, ngunit hindi sapat ang kanilang pagsisikap para hubaran ng korona ang Lady Blazers.
Nagpakawala si Gayle Pascual, ang newly-minted Best Opposite Spiker, ng 15 points upang pangunahan ang Benilde.
Tumapos si Jade Gentapa na may 13 kills at 11 digs upang tanghaling Finals MVP at 2nd Best Outside Spiker para sa Lady Blazers.
Gumawa si Benilde captain Cloanne Mondoñedo ng 23 excellent sets upang ma-outplay si LPU’s two-time Best Setter Venice Puzon, na gumawa lamang ng 12.
Naitala ni Zam Nolasco ang lahat ng 3 blocks ng Lady Blazers.
Kumubra si Johna Dolorito ng 11 points at 9 receptions habang nagdagdag si Joan Doguna ng 9 points at 6 digs para sa Lady Pirates.
Sa men’s division, pinutol ng San Beda ang 32-game winning streak ng Perpetual sa stunning 17-25, 25-27, 25-22, 25-23, 15-11 victory, upang ipuwersa ang rubber match.
Nalusutan ng Red Spikers ang 32-point explosion ni season MVP Louie Ramirez upang ipalasap sa three-peat seeking Altas ang kanilang unang talo magmula noong Feb. 16, 2018.
Nakatakda ang Game 3 sa Linggo sa San Juan arena.