MULING magdadala ng karangalan ang Ilog Pasig, ang itinuturing na kanlungan ng naunang sibilisasyon sa Maynila, matapos mapabilang sa mga finalist ng kauna-unahang edisyon ng Asia Riverprize na pinangangasiwaan ng prestihiyosong International RiverFoundation (IRF).
Ito ang pangalawang sunod na taong kinilala ang Ilog Pasig ng IRF, na nagbibigay ng gantimpala sa mga organisasyong kumikilos para sa ikauunlad ng mga programang pangangasiwa tungo sa epektibong restorasyon ng mga ilog sa buong daigdig.
Bagama’t nagtagumpay noong 2017 ang San Antonio River ng Texas sa Estados Unidos, napakanipis ng naitalang kalamangan nito sa Ilog Pasig na tumayong runner-up sa patimpalak ng IRF na ginanap sa Australia.
“Ang magkasunod na pagpasok ng Ilog Pasig River bilang finalist sa 2017 at 2018 Thiess International and Asia Riverprize ay isang pagpapatunay na kinikilala ng daigdig ang pagkilos ng ating pamahalaan upang maipanumbalik ang dating kagandahan ng Ilog Pasig at ng paligid nito simula nang maitatag ang PRRC noong 1999,” pahayag ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia.
Dating tinatawag ang kompetisyon na Asia-Pacific Riverprize Awards na bukas para sa mga lalahok mula New Zealand, Australia at 45 pang bansa. Gayunman, bunga ng mataas na bilang at kalidad ng mga sumali, nagpasya ang IRF na hatiin ito sa dalawa: ang Asia Riverprize at Australasia Riverprize.
“Sa patuloy na pagkilos ng PRRC, napaunlad natin ang Ilog Pasig at marami nang mga bahagi ng makasaysayang ilog na ito ang nakikitaan ng aquatic life at nagsisimula nang sumigla bilang daluyan ng transportasyon, libangan at turismo, dagdag ni Goitia.
Kung ikukumpara noong dekada 90 na idineklarang “biologically dead” ang Ilog Pasig, malaki na ang nakamit na pagbabago sa kalidad ng tubig at kapaligiran nito.
“Noong nakaraang taon, gumawa ang Filipinas ng kasaysayan dahil tayo lamang ang natatanging third world and developing country na nakapasok sa international finals,” ani Goitia. “Buong tapang tayong nakipagsabayan sa Estados Unidos at United Kingdom. Sa taong ito, makakasagupa natin sa Asia Riverprize ang Yangtze River mula sa pulang dragon na China. Nananatili kaming matatag at optimistiko na makakamit ang tagumpay.”
Makakasama ni Goitia ang mga miyembro ng Management Committee ng PRRC upang idepensa ang lahok ng Filipinas sa harapan ng mga hurado sa 21st International Riversymposium na gaganapin sa Oktubre 14 hanggang 18, 2018 sa Sydney, Australia.
Comments are closed.