BACK-TO-BACK GOLD KAY MANGROBANG

WALA  pang 24 oras makaraang masikwat ang kanyang ikatlong sunod na triathlon crown, dinomina ni Kim Mangrobang ang women’s duathlon nitong Linggo, upang maging unang Filipino athlete sa Vietnam 31st Southeast Asian Games na nagwagi ng back-to-back gold medals.

Masaya sa pagkapanalo sa women’s triathlon, ginapi ni Mangrobang, 30, ng Sta. Rosa, Laguna, si  Malaysian Tahira Muhammad Zaid para sa kanyang unang duathlon title sa Tuan Chau Peninsula sa 2:13.12 seconds.

“I prepared very well in two events, that’s why I’m really happy with the result. I focused on my recovery and my conditioning coach, Annie Brown, did a beautiful job,” sabi ni Mangrobang, na puspusang nagsanay kasama ang national team sa Portugal.

Nagkasya si Tahira sa silver sa 2:14.22, habang nakopo ni Putri Bulan Aprilla ng Indonesia ang bronze sa oras na 2:14.49 sa kompetisyon na nilahukan ng 11 atleta mula sa pitong bansa.

Naisakatuparan na ang kanyang double duty para sa bansa, magpopokus na ngayon si  Mangrobang sa duathlon race sa World Games sa Alabama, USA sa July 7. Sasabak din siya sa Asian Games sa susunod na taon at target ang isang slot sa Paris 2024 Olympics.

Ikinatuwa ni Triathlon Association of the Philippines President Tom Carrasco ang performance ng kanyang tropa, at sinabing, “We got three golds out of the possible four. I thought we’re going to win only two but we got three. I am happy with what we got. Indonesia and Vietnam prepared very well against us, but our athletes responded well to the challenges.”

Bukod sa tatlong gold medals, ang isa ay mula kay Fil-Spanish Fernando Casares sa men’s triathlon, ang Pilipinas ay nagwagi rin ng dalawa pang medalya — silver mula kay Andrew Kim Remolino at bronze medal mula kay  Raven Faith Alcoseba sa triathlon. CLYDE MARIANO