BACK-TO-BACK MVP AWARDS KAY QUIAMBAO, DELA ROSA

GUMAWA ng kasaysayan si Kevin Quiambao ng De La Salle University makaraang kunin ang kanyang ikalawang sunod na Most Valuable Player (MVP)award sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament.

Opisyal na iginawad kay Quiambao ang prestihiyosong parangal Miyerkoles ng hapon, bago harapin ng kanyang Green Archers ang University of the Philippines Fighting Maroons sa Game 2 ng Finals sa Mall of Asia Arena.

Sa elimination round ay nakalikom si Quiambao ng impresibong 81.35 statistical points (SPs), may average na 16.6 points, 8.6 rebounds, at 4.0 assists per game.

Kasama niya sa Mythical Team si teammate Mike Phillips (74.92 SPs) at ang standout players mula sa ibang eskuwelahan, kabilang sina UP’s JD Cagulangan (69.16 SPs), Far Eastern University’s Mo Konateh (68.64 SPs), at Nic Cabañero (61.0 SPs).

Nakopo naman ni Veejay Pre ng Far Eastern University ang Rookie of the Year award na may 50.85 SPs.

Sa women’s side, inangkin din ni Kacey Dela Rosa ng Ateneo ang kanyang ikalawang sunod na MVP title upang samahan ang elite group ng mga atleta na nagwagi ng back-to-back honors.

Tinapos ni Dela Rosa ang season na may 96.28 SPs at average na 22.07 points, 16.0 rebounds, at 2.28 blocks per game. Naging ika-5 player siya sa kasaysayan ng UAAP women’s basketball na nagwagi ng magkasunod na MVPs upang samahan sina legends Analyn Almazan, Afril Bernardino, at Grace Irebu.

Bukod kay De La Rosa, ang women’s Mythical Team ay kinabibilangan nina UST’s Kent Pastrana (79.85 SPs), UP’s Louna Ozar (67.57 SPs), Ateneo’s Sarah Makanjuola (65.78 SPs), at NU’s Angel Surada (62.0 SPs).
Si Cielo Pagdulagan ng NU ang itinanghal na Rookie of the Year na may 56.57 SPs.