PINANGUNAHAN ni Ian Sangalang ang opensa ng Magnolia laban sa NorthPort sa kanilang laro noong Miyerkoles. PBA IMAGE
Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
3 p.m. – Phoenix vs Magnolia
6:15 – NorthPort vs Ginebra
SISIKAPIN ng Magnolia na masundan ang kanilang malaking panalo laban sa NorthPort sa pagharap sa Phoenix sa PBA Philippine Cup ngayong Linggo sa Ninoy Aquino Stadium.
Nakatakda ang salpukan ng Hotshots at Fuel Masters sa alas-3 ng hapon.
Ang Magnolia ay galing sa 104-97 panalo kontra Batang Pier na pumutol sa kanilang two-game slide upang umangat sa 2-2.
Ipaparada rin nila si bagong recruit Jerrick Balanza sa unang pagkakataon magmula nang makuha ito sa isang trade sa Converge.
Ang 27-year-old na si Balanza ay kinuha kapalit ng second round pick ng Magnolia sa 49th season.
Kinuha ng Magnolia ang serbisyo ng dating Letran stalwart makaraang tamaan ng injuries sina core players Rome Dela Rosa at Aris Dionisio na nakaapekto sa kampanya ng koponan sa conference.
Sa pagkaka-sideline nina Dela Rosa at Dionisio, doble kayod si big man Ian Sangalang laban sa Batang Pier at humataw ng bagong career-high na 32 points habang kumalawit ng 13 rebounds.
Naitala ni Sangalang ang 22 sa kanyang total output sa second half.
Samantala, asam din ng Phoenix ang ikalawang sunod na panalo upang palakasin ang kanilang playoffs bid.
Ang Fuel Masters (2-4) ay galing sa 113-107 panalo kontra winless Converge FiberXers noong Biyernes.
Sa 6:15 p.m. main game ay maghaharap ang Barangay Ginebra at NorthPort.
Ang Batang Pier, may 4-2 kartada, ay nanalo ng apat na sunod bago tumiklop sa Hotshots.
Muling pangungunahan ni Arvin Tolentino, pumapangalawa sa Best Player of the Conference (BPC) award sa likod ni Robert Bolick ng NLEX, ang third-leading Northport kung saan may average siya na second best 24.0 points per game.
CLYDE MARIANO