Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
5 p.m. – Terrafirma vs Phoenix
7:30 p.m. – Meralco vs TNT
SISIKAPIN ng Meralco na masundan ang kanilang panalo sa kanilang unang laro sa 2025 sa pagsagupa sa TNT na galing sa mahabang holiday breather ngayong Martes sa PhilSports Arena sa Pasig.
Nakatakda ang laro sa alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Terrafirma at Phoenix sa alas-5 ng hapon.
Pinalakas ng pagbabalik mula sa injury ng ilang key players, ang Bolts ay naglaro na may nanumbalik na lakas sa pagdispatsa sa Hong Kong Eastern squad, 88-83, sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup noong Linggo sa Araneta Coliseum.
Samantala, ang Tropang Giga ay magbabalik-aksiyon magmula sa kanilang huling laro noong Dec. 19 kung saan pinataob nila ang Blackwater Bossing, 109-93, sa isang follow-up sa 103-100 decision kontra Magnolia Hotshots makaraan ang 0-2 simula sa conference.
Malaki ang hahabulin ni coach Chot Reyes at ng kanyang tropa sa 2-2 habang ang Bolts ay mas komportable sa 4-2, sa likod ng frontrunners NorthPort (6-1), Rain or Shine (4-1), Converge (6-2), Barangay Ginebra (5-2) at Eastern (6-3).
Handa ang parehong koponan para sa inaasahang mainit na bakbakan, kung saan target nila na makabuo ng momentum papasok sa krusyal na stretch ng one-round-robin elims.
Inaasahang magiging mainit ang bakbakan hindi lamang para sa Top Eight kundi para sa Top Two na mabibiyayaan ng twice-to-beat incentive sa quarterfinals.
Nagpapasalamat si coach Luigi Trillo na nadagdagan ang lakas nila ngayon sa pagbabalik nina Chris Banchero, Raymond Almazan, CJ Cansino at Brandon Bates.
Balik sila sa rotation at naging matatag ang Bolts sa kanilang laro kontra HK cagers, at naitala ang five-point decision sa huli.
“I thought our guys were tough today, chasing off screens, bigs having to stay high, execute our pick-and-roll defense, and having to move back and defend,” wika ni Trillo hinggil sa panalo nila laban sa Eastern, sa pangunguna ni import Akil Mitchell na may 31 points at 14 rebounds.
“This type of games we live for because it shows our character,” dagdag pa niya.