BACK-TO-BACK WINS PAKAY NG PHOENIX, TNT

NATAKASAN ni RR Garcia ng Phoenix Fuel Masters ang depensa ng ­Terrafirma Dyip sa kanilang laro sa PBA Philippine Cup noong ­Miyerkoles sa Philsports Arena. PBA PHOTO

Mga laro ngayon:
(Ynares Center Antipolo)

3 p.m. – Phoenix vs Rain or Shine

6:15 p.m. – TNT vs San Miguel

SISIKAPIN ng Phoenix na masundan ang kanilang breakthrough win sa PBA Philippine Cup sa pagsagupa sa Rain or Shine ngayong Linggo sa Ynares Arena sa Antipolo.

Sa wakas ay nakapasok ang Fuel Masters sa win column makaraang bombahin ang Terrafirma, 94-78, sa pangunguna ni  veteran guard RR Garcia na naitala ang kanyang unang double-double sa liga na may  20 points at career-best 10 assists.

Ang panalo ay pumutol sa 0-2 simula ng Fuel Masters, na galing sa surprising semifinal stint sa nakalipas na Commissioner’s Cup.

Gayunman ay patuloy na hindi makakasama ng Phoenix si starting guard Tyler Tio sa kanilang 3 p.m. encounter sa Elasto Painters dahil nagpapagaling pa ito sa grade 2 ankle sprain.

Ang sophomore playmaker ay hindi naglaro sa huling dalawang laro ng Phoenix.

“Ang sa akin kasi wala si Tyler e, so kailangan mag-step up as a veteran dito sa team,” sabi ni Garcia patungkol sa kanyang career-game. “Two-zero kami e, so kailangan namin manalo na nakuha naman namin. So sana tuloy-tuloy na.”

Target din ng TNT ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa defending champion San Miguel sa tampok na laro sa alas-6:15 ng gabi.

Ang laro ay rematch sa pagitan ng dalawang koponan na nagsalpukan para sa All-Filipino championship noong nakaraang  season, na napagwagian ng Beermen sa deciding Game 7 sa Smart Araneta Coliseum.

Ang Tropang Giga ay galing sa dikit na 100-97 panalo laban sa hard-fighting Terrafirma side noong nakaraang linggo upang umangat sa 2-1 kartada.

Humataw si rookie Henry Galinato ng double-double na 17 points at 11 rebounds para sa TNT, na naglaro na wala sina injured guard Roger Pogoy at veteran big man Kelly Williams.

Umiskor sina Calvin Oftana at Glenn Khobuntin ng tig-19 points habang nagtala ng pinagsamang 17 sa kabuuang 49 rebounds ng Tropang Giga.

CLYDE MARIANO