BACK-TO-BACK WINS SA CONVERGE

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
5 p.m. – NorthPort vs Eastern
7:30 p.m. – Magnolia vs NLEX

NAIPOSTE ng Converge sa unang pagkakataon ang ikalawang sunod na panalo makaraang pataubin ang Phoenix, 116-105, sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.

Tumapos sina Jordan Heading at Cheick Diallo na may tig-21 points para sa FiberXers, na nangapa sa kaagahan ng laro ngunit nakabawi sa second half upang masundan ang kanilang 102-91 panalo kontra NLEX noong nakaraang Martes. .

“We give credit to our guys,” sabi ni Converge acting head coach Franco Atienza, na nabahala sa mainit na simula ng Phoenix na nagbigay sa huli ng hanggang 20-2 kalamangan.

“We just stuck on, we didn’t panic,” ani Atienza. “We returned to how we want to run our system, how to run our offense, our defense.”

Pinamunuan nina Schonny Winston, Bryan Santos at BJ Andrade ang shock troopers ng FiberXers na nagsindi sa paghahabol bago pinakinis nina starters Alec Stockton, Diallo at Justine Baltazar ang mga bagay-bagay at siniguro ang kanilang ika-4 na panalo sa anim na laro.

Susunod na makakaharap ng Converge ang Barangay Ginebra sa Sabado sa Batangas City bago tapusin ang taon kontra Meralco sa Christmas Day.

Nagsimula nang magpokus si Atienza sa Ginebra. “It’s a tough schedule for us right now. After this we’re headed to an out-of-town on Saturday, so hopefully we will move on from this game and be prepared for that Saturday game,” aniya.

Ito ang ika-4 na pagkakataon sa mid-season conference na nabigo ang Phoenix na masustinahan ang malaking kalamangan upang mahulog sa 1-5 kartada.

Matapos pamunuan ang maagang atake ng Phoenix na may tatlong triples at isang four-pointer, nagsimulang mahirapan si Donovan Smith laban sa depensa ng Converge subalit tumapos pa rin na may 30 points at 18 rebounds.

Umiskor si RJ Jazul mula sa bench ng 20 points, nagdagdag si Tyler Tio ng 13 at tumipa si Ricci Rivero ng 11, subalit nagkasya si Jason Perkins sa 12 points at under 30 minutes na paglalaro makaraang maagang malagay sa foul trouble.
CLYDE MARIANO

Iskor:
CONVERGE (116) – Heading 21, Diallo 21, Winston 16, Santos 16, Stockton 14, Andrade 11, Arana 6, Baltazar 6, Racal 5, Delos Santos 0, Caralipio 0.

PHOENIX (105) – Smith 30, Jazul 20, Tio 13, Perkins 12, Rivero 11, Tuffin 8, Verano 4, Garcia 3, Soyud 2, Manganti 2, Salado 0, Alejandro 0, Muyang 0, Ular 0, Daves 0.

QUARTERS : 15-30, 48-54, 87-80, 116-105