UMISKOR si Austin Reaves ng 14 points sa fourth quarter at nakumpleto ng bisitang Los Angeles Lakers ang paghahabol para sa 113-105 panalo na pumutol sa nine-game winning streak ng New York Knicks noong Sabado ng gabi.
Tumapos si Reaves na may 22 points para sa Lakers, na nanalo ng dalawang sunod laban sa Eastern Conference contenders upang umangat sa 3-2 sa isang six-game road trip. Tinalo ng Los Angeles ang NBA-leading Boston Celtics, 114-105, noong Huwebes ng gabi.
Tumipa si LeBron James, na nagbalik makaraang lumiban noong Huwebes dahil sa left ankle injury, ng 24 points habang nagposte si Anthony Davis, hindi rin naglaro noong Huwebes sanhi ng left Achilles ailment, ng double-double na may 12 points at 18 rebounds.
Nagbuhos si D’Angelo Russell ng 16 points habang nag-ambag si Taurean Prince ng 16 points mula sa bench, kabilang ang siyam sa fourth. Nagdagdag si fellow reserve Jaxson Hayes ng 10 points.
Kumana si Jalen Brunson (36 points, 10 assists) ng double-double para sa Knicks, na nagtatangkang magwagi ng 10 sunod sa unang pagkakataon magmula nang manalo sila ng 13 sunod sa 2012-13 season. Umiskor si Donte DiVincenzo ng 26 points habang nagtala rin si Josh Hart (12 points, 11 rebounds) ng double-double.
Gumawa sina Precious Achiuwa at Miles McBride ng tig-10 points para sa New York, na naglaro na wala sina All-Star Julius Randle (separated shoulder) at OG Anunoby (right elbow) sa ika-4 na sunod na laro , gayundin si Quentin Grimes (right knee) sa ikalawang sunod na laro.
Hawks 141, Warriors 134
Pinalawig ni Dejounte Murray ang laro sa isang jumper sa final seconds ng regulation, pagkatapos ay umiskor ng pitong sunod na puntos sa overtime, na naging tuntungan ng host Atlanta Hawks upang malusutan ang 60-point explosion ni Stephen Curry para sa panalo kontra Golden State Warriors.
Naipuwersa ng Hawks ang 123-123 tie nang isalpak ni Murray ang isang 14-footer, may 4.6 segundo ang nalalabi.
May tsansa si Curry, na kinamada ang 13 sunod na puntos ng Warriors upang maabot ang 52 sa puntong iyon, na maipanalo ang laro subalit nabigong makakonekta sa running banker sa regulation horn.
Ang overtime ay nakontrol ng Hawks, na nakopo ang ika-4 na sunod na panalo sa pag-iskor sa unang 11 points ng extra period.
Umiskor si Onyeka Okongwu mula sa interior at naipasok ni Jalen Johnson ang isang drive upang bigyan ang Atlanta ng kalamangan sa unang 63 segundo ng overtime bago bumanat si Murray ng three-point play at dalawang perimeter jumpers. Naitala ni Curry, na naiposte ang 22 sa kanyang 60 points sa fourth period, ang walo sa 11 points ng Golden State sa overtime, at nakumpleto ang kanyang ikalawang career 60-point game.
Bumuslo si Curry ng 22-for-38 overall at 10-for-23 sa 3-point attempts.