BACK-TO-BACK WINS TARGET NG KNIGHTS

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
11 a.m. Letran vs Arellano
2:30 p.m. EAC vs San Beda

SISIKAPIN ng Letran na masundan ang 70-62 panalo laban sa Jose Rizal University sa pagharap sa Arellano University sa NCAA men’s basketball tournament ngayong Martes sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Sasagupain ng Knights ang Chiefs sa alas-11 ng umaga matapos ang salpukan ng defending champion San Beda Red Lions at Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2:30 ng hapon.

Nangunguna sa standings ang St. Benilde na may perfect 3-0 record, kasunod ang San Beda (2-1), Perpetual (2-1), San Sebastian (2-1), Mapua (2-1), Letran (1-1), EAC (1-2), Lyceum (1-2), Arellano (0-2) at Jose Rizal (0-3).

Nakopo ng Knights ang unang panalo makaraang pataubin ang Heavy Bombers. sa pangunguna ni Jimboy Estrada na humataw ng 22 points, habang nag-ambak ng 16 points si rookie Jace Miller, anak ni PBA great Willie Miller.

“I’m happy nakuha namin ‘yun but again, it’s just the start. Mahaba pa ang liga, marami pang puwedeng mangyari,” pahayag ni rookie coach Allen Ricardo.

Galing naman ang Chiefs sa 67-69 pagkatalo sa Altas.

Samantala, sasakmalin ng Red Lions ang ikatlong panalo sa pagsagupa sa Generals.

Ang San Beda ay galing sa 85-75 win kontra San Sebastian habang nalasap ng EAC ang 55-77 kabiguan sa St. Benilde sa huli nilang laro.