D-League:
Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
10:30 a.m. – AMA Online vs Adalem Construction-St. Clare
12:30 p.m. – Apex Fuel-San Sebastian vs Builders Warehouse-UST
TARGET ng APEX Fuel-San Sebastian at Builders Warehouse-UST ang unang panalo sa 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup sa kanilang paghaharap ngayon sa Smart Araneta Coliseum.Galing ang Golden Stags sa 86-74 pagkatalo sa Marinerong Pilipino noong nakaraang linggo, subalit sa kabila nito ay nakakuha ang koponan ng solid performances mula sa mga katulad nina Ichie Altamirano at Raymart Escobido.
“Maganda ito para sa mga bata kasi nakaka-gain sila ng experience na kailangang- kailangan namin, so hopefully natuto sila lalo na isa sa mga team-to-beat ‘yung nakalaban namin,” sabi ni coach Egay Macaraya.
Nakatakda ang laro sa alas-12:30 ng tanghali, matapos ang 10:30 a.m. duel sa pagitan ng Adalem Construction-St. Clare (1-1), na puntirya ang back-to-back wins, at ng wala pang panalong AMA Online (0-2).
Desperado naman ang Growling Tigers na magwagi makaraang malasap ang 112-81 kabiguan sa mga kamay ng EcoOil-La Salle.
Ilalabas nina veteran Sherwin Concepcion at young guns Nic Cabanero at Kean Baclaan ang kanilang potensiyal sa laro, ngunit kakailanganin ng Builders Warehouse-UST ang karagdagang tulong mula sa iba kung nais nilang gumawa ng ingay sa developmental ranks.
“Alam namin na kulang kami sa tao, pero meron naman kaming nakita na possibilities na makakabawi kami,” sabi ni interim Growling Tigers coach Albert Alocillo.