PATAPOS na ang school year at puspusan na rin ang mga proponent sa old school calendar o ang “June – March school calendar’.
Kaya naman ilang linggo na lang ang natitira ay matatapos ang klase sa May 31 at batay naman sa naunang napagpasyahan posibleng ibalik sa dating school calendar ang pasukan at hindi na sa naunang napagpasyahan na mula July 27, 2024 hanggang May 16, 2025 kasunod nang pagluwag ng restrictions dulot ng pandemya at pagbabalik sa face to face classes ng mga estudyante.
Kamakailan ay lumiham na ang Department of Educaiton kay Pangulong Ferdinand Marcos na maibalik na sa dating school calendar ang pasok ng mga estudyante na pinaboran naman ng Punong Ehekutibo na siya namang nag-utos ngayon na pabilisin ang hakbang.
Sa liham ng DepEd sa Pangulo, ipinabatid ni Education Assistant Secretary Francis Bringas ang mahigpit nilang pagsusulong na maibalik sa dating school calendar sa darating na school year 2024-2025 na magtatapos dapat sa March 2025.
Inilatag din ni Bringas sa kanyang pagharap sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education ang dalawang school year timeline sa pagbalik sa June to March school calendar.
Sa ilalim ng nasabing proposal, magtatapos ang SY 2024-2025 sa May 2025 samantalang sa April 16, 2026 matatapos ang SY 2025-2026 habang balik na sa dating schedule ang SC 2026-2027 kung kailan magsisimula ang klase sa June 2026 at magtatapos sa March 2027.
Nilinaw ni Bringas na ang isinusulong nilang pagbabalik sa old school calendar ay walang kinalaman sa matinding init ng panahon na dulot ng El Nino.
Suportado naman ng Teachers Dignity Coalition ang nasabing hakbangin ng DepEd na una na rin nilang isinulong sa kagawaran at maging sa Committee on Basic Education ng Kongreso.
Ipinanukala ng TDC sa DepEd na maagang tapusin ang SY 2024-2025 para kaagad maikasa ang transition sa pagbubukas ng klase sa June 2025.
Para sa SIYASAT Team ng DWIZ882AM dapat na mapag-aralang mabuti kung kailangan nang bumalik sa nakagisnang panahon ng pasukan sa mga paaralan sa bansa na maituturing na ika nga’y conducive sa pag-aaral o magkasa ng ilan pang hakbangin para makita ang higit na epektibong panahon upang maayos na makapag-aral ang mga estudyante.
Bagaman ang pinakamahalaga ay tuluy-tuloy ang pagkatuto ng mga ito at walang magiging anumang hadlang sa kanilang karapatang makapag-aral ng maayos.