SIGURO naman po, kapag sinabing ‘indigent’, naiintindihan natin kung ano ang ibig sabihin.
Kapag po tayo ay gustong magpasuri o magpa-confine sa mga ospital at wala tayong kakayahang magbayad, kailangan natin ng certificate of indigency mula sa Department of Social Welfare and Development. ‘Pag sinabing indigent – ‘yan po ‘yung mga kababayan nating walang-wala sa buhay — mga nangangailangan ng kaukulang tulong sa iba’t ibang aspeto ng buhay.
At ‘pag sinabing indigent senior citizens, ito ‘yung mga lolo’t lola na sa kasalukuyan ay naghihirap sa buhay. Isipin na lang natin – seniors na sila, napaka-vulnerable na, tapos,‘yung tulong na para sa kanila, hindi nakararating. Napakasakit naman nun para sa kanila.
Ang hindi ko lang po maintindihan ay kung bakit hindi man lang naiaabot sa takdang panahon ng mga concerned agencies ang kinakailangang tulong para sa mga nangangailangan?
Ang punto po natin dito, naglutangan ang mga reklamo mula sa seniors na madalas na raw nade-delay ang distribusyon ng kanilang social pension. Sa totoo lang po, bilyon-bilyon ang inilalaang pondo ng gobyerno sa programang ito. Higit apat na milyon po ang ating indigent senior citizens at P1,000 kada buwan ang kanilang social pension. Hindi naman po kalakihang halaga ito para mahirapan tayong ipamahagi sa nangangailangan.
Nakalulungkot lang na ganito ang maririnig natin sa DSWD – na ang pinakamalaking backlog nila ay ang social pension para sa mga nakatatanda nating wala nang maaasahan pang tutulong sa kanila kundi ang gobyerno.
Sabi po ng DSWD, umaabot sa 466,000 ang kanilang backlog sa distribusyon ng social pension for indigent seniors. Ano ang katumbas nito? Sabi mismo ng ahensiyang ito, umaabot na sa P5B! Linawin po ulit natin — ang indigent seniors ay ‘yung mga nakatatanda na walang-wala sa buhay at ni kamag-anak ay hindi na nila maasahan pa na tumulong sa kanila. Mga napabayaang seniors po ito na namumuhay na lang nang mag-isa at walang naipon na pera mula sa kanilang kabataan.
Tayo po ay isa sa mga awtor ng RA 11916, ang batas na nagtakdang doblehin ang dating social pension for indigent seniors. Kung dati po, P6,000 a year ang kanilang natatanggap, nadoble po ito sa P1,000 a year dahil po sa batas na ‘yan.
Pakiusap po natin sa DSWD, resolbahin ang problemang ito sa lalong madaling panahon. Halos kalahating milyon sa ating indigent seniors ang napag-iiwanan ninyo, nakadidismaya po ‘yan.
Sa ilalim po ng 2024 national budget, halos aabot sa P50-bilyon ang panukalang budget ng DSWD para sa programang ‘yan. Bilyon-bilyon ang pondo para sa programa, pero bakit kailangang ma-delay ang distribusyon ng pensyon?
Para saan po ang social pension ng ating indigent seniors? Ito po ay para masustina ang kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, bitamina, etc. Huwag naman po sana tayong maging pabaya sa simpleng tulong na ito sa ating mga naghihirap na lolo at lola.
At panawagan din natin sa mga establisimiyento na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapatupad ng VAT exemption at 20 percent discount sa seniors at iba pang sektor na accorded ng mga benepisyong ito, sana matuto po tayong tumupad sa iniuutos ng batas.
Hanggang ngayon, napakarami pa rin po nating natatanggap na reklamo patungkol dito kaya sana naman po, tumupad po tayo sa batas. Napakaliit na tulong lang po nito kumpara sa mga naging kontribusyon ng ating elders noong kalakasan at kabataan pa nila. Sundin po natin ang sinasabi ng batas.