CAMP CRAME – PINAYUHAN ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na iwasan ang pagdadala ng backpacks at iba pang kagamitan sa Southeast Asian (SEA) Games events para sa maayos at mabilis na pagpasok sa sporting venues.
Pahayag ni PNP spokesman Brigadier General Bernard Banac na mahigpit na ipatutupad sa entrances ang security checks at inspections ng mga bag at iba pang dala-dala ng mga manonood ng mga laro.
“Iwanan na lang po natin ang ating mga backpack at iba pang dala-dalang bagay para hindi tayo makaantala sa lahat ng papasok na manonood doon sa entrance para hindi na tayo matagalan sa pagtse-check ng bagahe,” ani Banac.
Idinagdag pa ni Banac na may mga ilalagay na baggage deposit at claim areas sa mga venue.
Pinayuhan din nito ang publiko na planuhin ang kanilang pagpunta sa SEA Games venues, maging pamilyar sa direksiyon ng restrooms at exits sa mga establisimiyento, at isipin ang sariling kaligtasan kapag dumadalo sa international sports events.
Gaganapin ang opening ceremony ng 30th SEA Games sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Sabado, at inaasahang dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte. EUNICE C
Comments are closed.