NAG-ABISO ang Binmaley Agriculture Office na isasailalim sa surveillance ang iba pang backyard hog raisers sa bahagi ng Barangay Linoc makaraang magpositibo sa sakit na African Swine Fever (ASF) ang may 21 baboy na pagmamay-ari ng isang Marcelino Abalos.
Sinabi ni Binmaley Agriculturist Fernando Ferrer, sa inilabas na resulta ngayong araw mula sa 33 blood samples ng mga baboy, 21 dito ang nagpositibo sa ASF.
Subalit hindi na muna nagpatupad ng 1-7-10 protocol sa naturang barangay dahil nagsasagawa naman aniya ng strict surveillance at sinisigurong walang pinapalabas na mga baboy sa lugar.
Samantala, nakatakdang tumanggap ng P1,000 mula sa munisipyo ang mga apektadong hog raisers sa kada isang baboy na pa-patayin dahil sa ASF.
Bukod pa rito, magbibigay rin ang provincial government ng P1,000 at karagdagang P5,000 naman mula sa Department of Ag-riculture (DA).
Batay sa isinagawang survey noong nakaraang linggo, nasa kabuuang 300 ang populasyon ng baboy sa Barangay Linoc. (BENEDICT ABAYGAR, JR.)