PARAÑAQUE CITY – NAGDAGDAG ng 50 pulis ang Southern Police District (SPD) na siyang magbabantay at magpapatupad ng mahigpit na seguridad sa Baclaran Church sa Parañaque City bunsod nang naganap na pagsabog sa Our Lady of Mount Cathedral sa Jolo Sulu at sa isang mosque sa Southern Mindanao.
Ayon kay Sr. Inspector Joseph Dionaldo, supervisor ng “Oplan Buhos sa Baclaran”, ang mga pulis na naka-deploy ang nagsagawa ng checking para sa church perimeter samantalang ang mga nakatalagang guwardya naman ang nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga bag ng mga parishioners.
Kabilang din sa karagdagang deployment ang bomb squad, Special Weapons and Tactics (SWAT) team at K-9 units.
Ayon sa SPD, ang karagdagan puwersa sa Baclaran ay kinakailangan dahil ang araw ng Miyerkoles ay tinaguriang Baclaran Day kung kaya’t dinadagsa ng maraming tao ang naturang simbahan bilang debosyon sa “Our Mother of Perpetual Help”.
Ang naging hakbangin ng pulisya ay upang maiwasan ang anumang karahasan at huwag ng muling maulit ang naganap na trahedya sa Our Lady of Mount Cathedral sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 21 katao at ikinasugat ng 100.
Ayon sa pulisya ang pahihigpit ng pagpapatupad ng seguridad sa matataong lugar ay kinakailangan matapos na isang granada na naman ang sumabog sa isang mosque sa katimugang lungsod ng Zamboanga na ikinasawi ng dalawang katao.
Nitong Lunes, ay inilagay sa “full alert status” ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang buong Metro Manila kaugnay ng naganap na pagsabog sa Jolo noong Linggo.
Ang full alert status ang siyang pinakamataas na alert level ng pulisya kapag may mga insidente ng karahasan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.