MAKARAANG ideklara ng National Museum ang Baclaran Church bilang isang “important cultural property,” isang panukalang batas ang inihain ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada para hirangin ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help at ang lugar sa paligid nito bilang isang heritage site at tourist destination.
“Nakasanayan na natin na tuwing Miyerkoles ay ‘Baclaran Day’ dahil maraming Pilipinong Katoliko ang bumibisita sa simbahang ito at dinadayo ito ng umaabot sa 150,000 katao sa kada linggo,” ani Estrada na isang deboto ng Baclaran Church.
Sa kanyang Senate Bill No. 2278, sinabi ni Estrada na bahagi na ng ispiritwal na buhay ng mga Pilipino ang simbahan ng Baclaran at parte na rin ito ng makasaysayang tradisyon ng mga Katoliko sa bansa, lalo na ang mga naninirahan sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
“Hindi maikakaila na ang Redemptorist Church na kilala rin bilang National Shrine of Our Mother of Perpetual ay isa sa pinakasikat na simbahan sa bansa at itinuturing na isa sa pinakamalaking Marian churches sa bansa na umaakit ng maraming deboto at turista,” sabi ni Estrada.
Binigyan diin ng senador ang kahalagahan ng pagdedeklara sa Baclaran Church compound sa Roxas Boulevard sa Parañaque City bilang isang heritage site at tourist destination.
“Ang deklarasyong ito ay layong itatag ang isang patakaran na magpapanatili ng kahalagahan nito sa kasaysayan at panlipunang kultura, pati na rin ang pagtiyak ng accessibility, convenience at kaligtasan ng mga bumibisita dito sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapanatili ng angkop na pasilidad at impraestruktura sa lugar,” pahayag ni Estrada.
Sa paghirang dito bilang isang heritage site at tourist destination, aatasan ang Department of Tourism (DOT) na makipagtulungan sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Public Works and Highways (DPWH), lokal na pamahalaan ng Parañaque, at iba pang kinauukulang ahensya na maglatag ng plano para mapaunlad ang turismo sa lugar. Kasama sa plano na ito ang pagtatayo, paglalagay, at pagpapanatili ng angkop na pasilidad at imprastruktura upang mapahusay ang kabuuan ng paligid ng Baclaran Church, at tiyakin ang accessibility at seguridad ng mga turista.
Ayon kay Estrada, ang pondo para sa implementasyon ng tourism development plan ay isasama sa badyet ng lokal na pamahalaan ng Parañaque. Bukod dito, ang DOT ay magbibigay ng teknikal na tulong sa tourism capacity building at isasama ang Baclaran Church sa mga programa nito sa pambansa at rehiyonal na promosyon.
Dahil ang Baclaran Church ay idineklara na bilang isang ICP ng National Museum of the Philippines (NMP), maaaring makatanggap ito ng subsidiya mula sa pamahalaan para sa pangangalaga at pag-iingat nito.
Sisiguraduhin naman ng panukalang batas ni Estrada ang paglagak ng pondo para sa tourism development at posibleng dagdagan pa ito ng DOT mula sa kanilang sariling pinagkukunan ng pondo. VICKY CERVALES