BACOLOD TAY TUNG SA SHAKEY’S GVIL FINALS

NALUSUTAN ng Bacolod Tay Tung ang matikas na pakikihamok ng Kings’ Montessori School sa third set upang maitakas ang 25-18, 25-14, 25-23 panalo at umabante sa gold medal match sa 2024 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League nitong Huwebes sa Paco Arena.  

Sinindihan ni Rhose Almendralejo ang paghahabol ng Thunderbolts mula sa 5-point deficit sa kaagahan ng third frame at kinamada ang much-needed hits upang dalhin ang last year’s third placer sa  winner-take-all final set sa Linggo sa Adamson University.

Naitala ng middle blocker ang 8 sa kanyang 14 points sa third set, kabilang ang game-winning kill para sa Bacolod-based squad, ang natitirang podium finisher mula sa inaugural edition.

Magaan na nagwagi ang Bacolod Tay Tung sa unang dalawang sets subalit kinailangang humabol sa third makaraang malamangan sa 3-8. Bumanat ang Thunderbolts ng dalawang runs upang kunin ang 20-16 bentahe.

Humabol ang Kings’ Montessori upang tumabla sa 23 matapos ang kill block ni Justine Decena kay Almendralejo. Isang service error ni Shekaina Lleses ang nagbigay sa Thunderbolts ng pagkakataon na tapusin ang laro.

“‘Yung kalaban malakas din naman pero nag-click lang siguro yung depensa at block namin kaya ‘yun po,” wika ni Bacolod Tay Tung coach Ian Mcariola.

“Sabi ko sa kanila kapit lang, enjoy lang sa loob ng court, at kung lamang ‘yung kalaban, okay lang.”

Nagdagdag sina Jothea Ramos at  Ana Hermosura ng tig-11 markers para sa Thunderbolts.

Hanggang press time ay nagbabakbakan pa ang UAAP champion Adamson University at National University-Nazareth School para sa huling gold medal match ticket sa premier grassroots volleyball tournament sa bansa.

Umiskor si Shekaina Lleses ng 9 points habang nag-ambag ang kanyang kambal na si Shehanna Lleses ng 7 points para sa Kings’ Montessori.