BAD DAY SA TRABAHO, PAANO NGA BA MALALAMPASAN?

TRABAHO-10

Ni CT SARIGUMBA

HINDI nga naman mawawala ang problema sa trabaho. Nariyan ang stress na talaga namang magpapahi-na sa bawat empleyado. Hindi rin nawawala ang mga katrabahong hindi nagkakasundo-sundo.

Kumbaga, hindi la­ging masaya at maganda ang pagtatrabaho o ang nangyayari sa isang opisina.

Dumarating ang pagkakataong nagkakaroon tayo ng problema sa ating ginagawa, sa boss at maging sa kasamahan natin sa trabaho.

Mahirap ang magtrabaho lalo na kung may gulong nangyayari sa opisina. At sa ganitong mga pagkakataon, paano nga ba natin ito makakayanan o malalampasan?

IPIKIT ANG MATA AT HUMINGA

Alam naman nating may kaakibat na responsibilidad ang pagtatrabaho. Nariyan ding masaya tayo at may mga araw na malungkot. Hindi rin maiiwa-san ang problema.

Kung may kinahaharap na hindi maganda o problema, huminga na muna bago simulan ang nakaatang na gawain. Puwedeng maglakad-lakad muna para lumamig ang ulo at maibsan ang nadaramang inis.

Sakali mang may nakagalit, nakaaway o nakasagutan, dumistansiya na muna nang hindi lumala ang problema. Isipin din muna ang mga sasabihin bago magsalita. Iwasan ang pagsigaw sa kasamahan sa trabaho dahil hindi ito maganda.

Puwede ka ring lumabas muna para makapag-isa at makapag-isip-isip.

MAGING PROPESYUNAL AT HUWAG PERSONALIN 

Maging propesyunal. Huwag personalin ang mga bagay-bagay. Halimbawa, nagkagalit kayo ng boss mo o sabihin na nating nasigawan ka, huwag na huwag mo iyong mamasamain. Huwag kang agad na magagalit. Isipin muna kung may nagawa ka bang pagkakamali kaya ka napagagalitan. Kung mayroon, humingi ka ng tawad o kaya naman magpaliwanag ka. Kung wala ka namang ginawang masama, komprontahin mo para matuldukan ang kung anumang hindi pagkakaunawaan. Kausapin mo siya nang luminaw ang lahat.

Ang trabaho ay trabaho. Kumbaga, kung ano man ang naging problema mo sa opisina ay huwag na huwag mo ring dadalhin sa labas dahil tiyak na ikaw lang ang mahihirapan.

MAG-ISIP NG MAGAGANDANG BAGAY PARA SUMAYA

Okey, malungkot ka at bad trip. Masama ang pakiramdam mo. Naiinis ka sa kung anumang dahilan. Pero hindi porke’t puro negatibo ang na-ra­ramdaman mo ay magpapaapekto at magpapadala ka na lang.

Sa ganitong panahon at pagkakataon ay mas maiging isipin o mag-isip ng magagandang bagay na nangyari sa iyo o puwedeng mangyari sa iyo.

Oo, may mga pagkakataong hindi katuwa-tuwa ang nangyayari sa opisina. Ganoon naman talaga. Maraming puwedeng mangyari sa isang lugar lalo na at hindi naman kayo pare-pareho ng iniisip at pagtingin sa bagay-bagay. Idagdag pang nakadarama ang marami ng stress sa rami ng nakaatang na gawain.

Gayunpaman, sabihin man nating nagkakaproblema tayo sa opisina o hindi maganda ang kinahaharap natin, mag-isip tayo ng maganda. Lahat ng bagay ay may dahilan, tandaan din natin iyan.

MAKINIG NG MUSIKA

Isa rin sa nakapagpapaganda ng pakiramdam ang pakikinig ng musika. Kaya kung medyo bad trip ka o tila pinagsakluban ka na ng langit at lupa, makinig ka ng musika. Piliin mo ang mga musikang gusto mo at nagiging masaya ang iyong kabuuan.

Matuto rin tayong balansehin ang mga bagay-bagay—ang personal nating buhay at maging ang pagtatrabaho natin. Hindi puwedeng puro trabaho na lang tayo at napababayaan na natin ang ating sarili. Hindi rin naman puwedeng puro sarili na lang ang inaatupag natin at hindi tayo nagtatrabaho. Balanse. Lahat ng bagay, dapat ay binabalanse natin nang umayon ito sa kagustuhan natin.

MAGHANAP NG MAKAKAUSAP

Kung sobra na at tila puputok na ang dibdib mo, huwag mong dibdibin. Ilabas mo. Maghanap ka ng taong mapagkakatiwalaan at ikuwento mo sa kanya ang nararamdaman mo at nangyayari. Pero huwag ka namang maghanap ng away. Dagdag-problema iyan.

May ilan na sinasarili ang problema. Pero may hindi ito magandang naidudulot. Mas lalo ka lang magkakaproblema kapag sinarili mo ang lahat.

Malaki ang naitutulong para maibsan ang bigat na nadarama kapag may nakakausap tayo o naihihinga natin sa iba ang sama ng loob na nadarama na-tin. Kaya naman, subukan din ito nang sa ganoon ay mabawasan ang bigat na iyong dinadala.

LUMABAS KASAMA ANG PAMILYA AT MGA KAIBIGAN

Pagkatapos ng nakapapagod na trabaho, importante ang pagpapahinga. At isa sa magandang gawin ay ang paglabas kasama ang pamilya at mga kaibigan. Magkuwentuhan kayo. Kumain. O kaya naman ay manood ng sine. Malaki ang maitutulong nito upang ma-relax ka at mawala ang galit, inis o sama ng loob na nasa iyong dibdib.

MAG-EHERSISYO AT KUMAIN NG MASUSTANSIYA

Isa pa sa mainam gawin ay ang pag-eehersisyo. Kaya kung stress ka, maglaan ng panahong mag-ehersisyo nang mawala ang stress na nadarama.

Importante rin ang pagkain ng masusutansiyang pagkain upang lumakas ang katawan at makayanan ang stress at problemang kinakaharap.

Napakaraming dahilan kung kaya’t nakadarama tayo ng stress lalo na sa lugar na ating pinagtatrabahuan. Marami ring dahilan kung bakit hindi nagi-ging maganda ang araw natin sa opisina, gaya na lang ng sobrang daming trabaho at pasaway na mga katrabaho.

Gayunpaman, isa sa dapat nating matutunan ay ang tamang pag-handle ng mga problemang dumarating sa atin—sa trabaho man o pamilya. Tandaan din nating walang naidudulot na maganda ang stress sa kahit na sino. Kaya’t iuwasan din ito hangga’t maaari.    (google photos)

Comments are closed.