MAY mga panahon o araw na hindi nagiging maganda ang gising natin. Kung minsan din, kahit na ginalingan natin sa trabaho ay nangyayari pa rin iyong masita tayo o makagawa ng pagkakamali.
Kunsabagay, hindi naman natin masasabing perpekto tayo. Gaya ng kahit na sino, sadyang nakagagawa tayo ng pagkakamali. Kung minsan din ay may mga hakbang o desisyon tayong nagagawa na ang epekto ay masama, hindi lamang sa atin kundi maging sa trabaho at katrabaho.
Hindi rin naman natin masisigurong matiwasay ang pagtatrabaho natin sa araw-araw. Maaaring magkaroon tayo ng problema. Kaya naman, sa mga panahong hindi maganda ang araw natin o may nangyaring ‘di kanais-nais sa trabaho, narito ang ilang tips kung paano ito iha-handle at malalampasan:
MAGHANAP NG MAKAKAUSAP
Isa sa nakapagpapa-relax sa atin ay ang paglalabas ng sama ng loob. Pero hindi ibig sabihing kailangan mong ilabas ang sama ng loob mo ay sisigawan mo na lang o tatarayan ang lahat ng makakasalubong mo.
Tawagin ang close friend mo at ikuwento sa kanya ang nangyari. Kapag nailalabas natin ang inis o nadarama natin, lumuluwag ang ating loob.
Kaya iwasan ang magalit, bagkus ay tawagin at kausapin ang kaibigan o malapit na katrabaho.
IWASAN ANG MAGDRAMA
Kung minsan, nahahawa tayo sa mga pinanonood natin sa telebisyon o pelikula. Kumbaga, kapag nagkaproblema sa trabaho o may hindi nakasundong kaopisina, grabe tayo kung makapag-react. Kung minsan nga, maliit na bagay lang naman ay pinalalaki na natin na tila eksena sa telebisyon.
Bago mag-react, kalmahin muna ang sarili. Bago magsalita, isipin muna ang sasabihin nang hindi magkamali at hindi lumala ang sitwasyon.
Gawin ding ehemplo ang pangyayari upang matututo sa pagkakamali.
HUMINGA MUNA AT UMINOM NG KAPE
Isa pa sa puwede nating gawin ay ang mag-relax—huminga ka muna at magkape. Malaki ang maitutulong ng paghinga ng malalim sa nadarama mong inis o galit.
Puwede rin namang yayain mo ang mga katrabaho mo at magkape kayo kahit na sandali lang. Kung busy naman ang mga katrabaho mo, lumabas ka muna sa office ninyo at maglakad-lakad. Tiyak na luluwag ang dibdib mo.
SUBUKANG BAGUHIN ANG SARILI
Kung minsan, kapag nakatatanggap tayo ng kritisismo o puna, nag-iinit kaagad ang ulo natin at kadalasan ay nagagawa nating sumigaw. Wala tayong pakialam basta’t mailabas natin ang kung ano mang nararamdaman natin.
Kung tutuusin, hindi naman talaga maiiwasang mainis at magalit tayo kapag pinuna o sinita tayo o ang ating ginagawa. Gayunpaman, kaysa ang magalit kaagad, magtimpi na muna at isiping mabuti ang pangyayari.
Maaari rin kasing may pagkukulang ka kaya’t nasita ka. Maaaring may mali kang nagawa kaya’t napuna iyon ng katrabaho o boss.
Mainam gawin ay kalmahin muna ang sarili at pagnilay-nilayan ang mga pangyayari. At kung sakali mang maisip mong may pagkukulang ka o may masama kang nagawa, baguhin ito. Mahirap baguhin ang nakasanayan ngunit kung gugustuhin natin, magagawa ito kahit na paunti-unti.
HUWAG SASAGARIN ANG SARILI SA PAGTATRABAHO
Marami rin sa atin na kapag may nangyaring hindi maganda sa trabaho, sinusubsob ang sarili sa pagtatrabaho. Ginagawa ito ng marami sa pag-aakalang matatapalan nito o mapupunan ang nagawang pagkakamali o pagkukulang.
Sa tuwing sinusubsob at sinasagad natin ang ating sariling magtrabaho nang magtrabaho, mas malaki ang tiyansang lalo tayong magkamali.
Kaya’t huwag sagarin ang sarili sa katatrabaho. Magtrabaho lang ng tama.
I-TREAT ANG SARILI NANG SUMAYA
Pagkain, iyan ang isa sa nakapagpapaganda ng ating pakiramdam. Kaya naman, kung masama o hindi maganda ang araw mo, kumain ka ng matatamis na pagkain gaya ng cake o chocolate. O kung anuman ang paborito mong pagkain.
Hindi naman masamang kumain ng matatamis kung paminsan-minsan lang kaya’t i-treat muna ang sarili. Siguradong gagaan ang pakiramdam mo.
Puwede ring mag-ehersisyo nang mawala ang lungkot na nadarama.
Para rin hindi maapektuhan ang trabaho natin sa dinadala nating problema, itabi na muna natin ito. Kumbaga, huwag na muna nating intindihin at mag-focus tayo sa magagandang bagay na nangyari sa atin. Pilitin ding maging masaya para gumaan ang pakiramdam.
manood din ng mga nakatutuwang palabas. O kaya naman, gawin ang mga bagay na nakapagpapasaya sa iyo.
HUWAG MAG-IISIP NG NEGATIBO
Marami rin sa atin na negatibo kaagad ang tingin sa isang bagay lalo na kapag may hindi magandang nangyari. Oo, nasita ka ng katrabaho o boss mo at iniisip mong may galit o pinag-iinitan ka.
Kumbaga, may kongklusyon ka kaagad na hindi maganda sa nangyaring pagsita o pagkausap sa iyo ng katrabaho mo man o boss.
Hindi porke’t kinausap, sinita o pinagsabihan ka ay galit na kaagad sa iyo o ping-iinitan ka. Puwede kasing may nagawa kang mali o nakikita nilang kaya mo pang pagbutihin ang ginagawa mo. Kumbaga,gusto ka nilang kausapin nang galingan mo pa.
Hindi naiiwasan ang bad day sa trabaho, pero may paraan para hindi maapektuhan ang pagtatrabaho at maging ang mga taong nakapalibot sa atin. ni CS SALUD
Comments are closed.