BAGATSING INENDORSO NI DUTERTE SA MAYNILA

BAGATSING - DUTERTE

INENDORSO ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni dating Manila 5th district Rep. Amado ‘Daddy A’ Bagatsing para sa pagka-alkalde sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Bagatsing, na itinuturing ng mga Manilenyo na “ama ng batang Maynila”, nakuha nito ang pag-endorso dahil nakikita aniya ng Pangulo ang pagsisikap niya bilang congressman sa loob ng 20 taon upang magbigay ng de kalidad na serbisyo. hindi lamang sa mga residente ng ika-limang distrito, kundi sa buong Maynila sa pamamagitan ng ibat ibang programa at proyekto sa ilalim ng Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran Foundation (KABAKA).

Naniniwala rin si Bagatsing na ang pag-endorso sa kanya ni Pangulong Duterte ay isang ‘testament of confidence’ sa kanyang abilidad na pangunahan ang Maynila dahil na rin sa maganda niyang track record at accomplishment sa lungsod.

“Maraming salamat po sa tiwala President Duterte, ito ang nagtutulak sa akin na tuparin ang magkahalintulad nating adhikain na makapagbigay ng tapat, at maaasahang serbisyo sa ating mga kababayan,” ayon kay Bagatsing.

Idinagdag pa ni Bagatsing na mahigit na sa 500,000 pamilyang Manilenyo ang natulungan ng KABAKA foundation sa nakalipas na 36 na taon nitong operasyon.

“Kung tayo ay papalaring magwagi, magagawa pa nating pataasin ang bilang na ito, higit lalo ngayong panahon ng pan­demya,” wika ni Bagatsing.

Dumalo sa nasabing endorsement ceremony ang mga opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na pinangungunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi kasama sina Senator Bong Go at Executive Secretary Salvador Medialdea.

Ang KABAKA, isang brain-child ni Bagatsing noong 80’s, ay isang foundation na nagbibigay ng libreng health services, benefits at hospitalization para sa mga Manilenyo, Sports program, Educational Assistance at Scholarship program para sa mga kabataan ng lungsod.