BAGITONG PULIS NATAKASAN NG BABAENG PRESO

LAGUNA- DINISARMAHAN at nahaharap sa patong patong na kaso ang isang baguhang pulis makaraang matakasan ng isang babaeng preso habang dumadalo ng inquest proceedings sa City Prosecutor’s office nitong Biyernes sa Sta.Rosa City sa lalawigang ito.

Kasalukuyang nasa protective custody ng Sta.Rosa police station ang pulis na si Cpl. Jeffrey Pagpagon , naka- assigned bilang police guard ng mga Persons Under Police Custody (PUPC).

Base sa natanggap na ulat ni BGeneral Carlito Gaces, Calabarzon police director, dinala ni Pagpagon ang detainee na si Alice Reyes sa tanggapan ng City Prosecutor’s office kung saan tinanggalan pa umano nito ng posas ang preso bago iharap sa piskal.

Si Reyes, ayon sa record ng pulisya ay isang street level individual na matagal ng sangkot sa pagtutulak ng shabu sa naturang lungsod.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, tiwala umanong iniwan ni Pagpagon si Reyes sa labas ng tanggapan ng City Prosecutor’s para sunduin pa nito ang iba pang persons under police custody na haharap din sa inquest proceedings.

Laking gulat umano ng bagitong pulis ng hindi niya madatnan sa kinauupuan si Reyes na ayon sa ilang saksi ay pasimpleng lumakad palabas ng compound ng Sta. Rosa justice hall.

Agad naman ipinag- utos ni Lt.Col. Paul Sabulao, Sta. Rosa city police chief na disarmahan si Pagpagon at inatasan ang mga imbestigador ng police station kung paano natakasan ng isang babaeng bilanggo ang kanilang kasamahan pulis.

Nahaharap sa kasong negligence si Pagpagon at posible umano itong matanggal sa serbisyo.
ARMAN CAMBE