CAVITE – REHAS na bakal sa police station ang binagsakan ng 33-anyos na bagitong drug pusher matapos makumpiskahan ng P17.5-K halaga na Ecstasy sa inilatag na buy-bust operation ng mga awtoridad sa bahagi ng Brgy. Mambog 4, Bacoor City nitong Sabado ng gabi.
Isinailalim sa drug test bago ipasok sa police detention facility ang suspek na si Gincel Charlon Magalit y Camposario ng Block 7 Lot 23 sa nasabing barangay.
Sa ulat ni Msg. Christian Nel Cuevas na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, pakipag-deal ang isang pulis na miyembro ng Bacoor Drug Enforcement Unit na nagpanggap na poseur-buyer laban sa suspek na nagbebenta ng Moncler tablet na tinaguriang Ecstasy.
Dito na inaresto ng mga operatiba ng Bacoor DEU at PDEA ang suspek na nakumpiskahan ng pitong Ecstasy tablets na may ibat ibang kulay na nakasilid sa plastic sachets na may street value na P17.5-K habang narekober naman ang P500 marked money na ginamit sa anti-illegal drug operation.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni Cuevas, bagitong drug pusher ang suspek na nagbebenta ng Ecstasy tablet sa halagang P2,500 kada tableta kung saan kinukuha niya sa isang lungsod sa Metro Manila. MARIO BASCO