(Bago ang holiday season) PRESYO NG AGRI PRODUCTS STABLE

NANANATI­LING matatag ang presyo ng halos lahat ng agricultural products bago ang holiday season, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sinabi ni DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel De Mesa na tanging ang presyo ng tilapia ang tumaas ng P5 at naging P145 kada kilo.

Ani De Mesa, maliban sa tilapia, ang lahat ng agri commodities ay kung hindi bumababa ay hindi nagbago ang presyo.

Aniya, ang itlog na nagmahal noong mga nakalipas na buwan ay ibinebenta ngayon sa P7.50 kada piraso (medium), mas mura ng P0.50 kumpara sa mga naunang presyo.

Tumatag din, aniya, ang presyo ng bigas sa pagitan ng P51 at  P52 kada kilo.

“Ngayon ay patapos na ‘yung ating harvest at halos 100 percent na at iniexpect natin na parating na ‘yung inimport nating bigas galing India,” sabi ng opisyal.

Matatag din, aniya, ang presyo ng  manok at baboy.

“Sa manok ay overproduction. Sa karneng baboy bagama’t kulang tayo ng kaunti ay nakapag programa na ng importation,” dagdag pa niya.