NASA 6,000 foreign workers ang inaasahang aalis ng Pilipinas bago ang year-end deadline para sa ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Sa isang public briefing, hinikayat ni BI Spokesperson Dana Sandoval ang foreign POGO employees na i-downgrade ang kanilang visas, binigyang-diin na ang December 31 deadline para sa ban ay hindi na palalawigin.
“Around 6,000 ang expected na aalis ng bansa.. Paulit-ulit nating sinasabi walang extension ang December 31 deadline. Wala ng pag-asa na ma-extend ito at wag na patagalin pa dun sa foreign POGO workers,” ani Sandoval.
Magugunitang noong Hulyo ay ipinag-utos ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nationwide ban sa POGOs kasunod ng ilang kaso na nagsasangkot sa industriya sa mga krimen tulad ng human trafficking, illegal detention, at financial scams.
Itinakda ng BI ang October 15 deadline para i-downgrade ng mga dating foreign POGO workers ang kanilang 9G work visas sa tourist visas, upang legal silang manatili sa bansa ng hanggang 59 araw.
Ayon kay Sandoval, mahigit 21,000 foreign workers ang nag-aplay para sa downgrade.
Pinaalalahanan niya ang mga manggagawa na kinakailangan nilang sumunod kung nais nilang bumalik sa Pilipinas sa hinaharap.
“If they have a reason to come back to the Philippines— may asawa, may anak sila dito sa Pilipinas—they should comply with the regulations. They should go out of the country as part of the downgrading and they may return kung meron silang lehitimong rason na bumalik sa Pilipinas,” aniya.
Babala ni Sandoval, maba-blacklist sila kapag hindi sila sumunod.
“Kapag hindi umalis, hindi sila nag-comply sa regulations, they will be blacklisted. Meaning, they will be prohibited from re-entering the Philippines at lalong magiging mas mahirap for them to reunite with their families. That’s why we follow the policies of the national government,” dagdag pa niya.