MADALAS tayong makapanood sa TV o makabasa sa internet ng mga kuwento tungkol sa mga taong nabibiktima ng mga online scams. Kahit sino ay puwedeng maging target ng mga scammers na ito, pero kadalasan ay mga OFW ang binibiktima nila at iyong mga taong naghahanap ng investment para sa kanilang pinaghirapang ipon. Marami sa mga scammers na ito ay tila nag-oovertime ngayon para samantalahin ang bonus ng mga manggagawa sa panahon ng Kapaskuhan.
Hindi naman nagkukulang ang SEC, BSP, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan at mga institusyon na maglabas ng mga babala para sa kapakanan ng publiko. Malaking ang magagawa ng kaunting pagtitiyaga bago maglabas ng anumang halaga para sa investment—milyones man o kahit isang libong piso lamang.
Huwag kang dumaan sa shortcut dahil excited ka nang kumita. May mga hakbang na kailangang pagdaan bilang bahagi ng pag-iingat bago maglabas ng salapi para sa anumang investment.
Halimbawa, importanteng gawin ang verification o pagba-background check. Alamin kung rehistrado ba ang kumpanya na binabalak mong pag-investan. Kunin mo rin ang mga importanteng impormasyon tungkol sa organisasyong ito—sino ang may-ari, ano ang feedback ng mga tao tungkol dito, ano ang ROI, saan ang opisina, at iba pa.
Minsan, nakakatanggap tayo ng tinatawag na cold calls o proposal mula sa mga taong hindi natin kilala—mag-ingat sa mga ito. Ang mga mensahe na hindi inaasahan, sa text man yan o sa social media o email ay kadalasang dapat pag-ingatan. May iba nga na hindi talaga sumasagot ng tawag kung hindi nila kilala ang numerong tumatawag.
(Itutuloy…)